Sa panahon ngayon, pagsubok na rin ang pag-iipon. Agree? Ito ay dahil sa mga hindi magandang nakasanayan na hindi maiwasan, kaya ang ending, walang madukot sa bulsa kapag nagipit na.
Gayunman, sabay-sabay nating harapin ang hamong ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga sumusunod na bad habits:
1. LUHO AT BISYO. Ang luho ay ang mga bagay na gusto nating pagkagastusan kahit hindi naman kailangan. ‘Ika nga, kapag inuna mo ang luho, luluha ka balang-araw. Samantala, kabilang sa mga itinuturing na bisyo ay ang pag-inom ng alak at paninigarilyo. Well, para sa iba, “stress reliever” ang mga ito, pero kung iisipin, wala itong magandang maidudulot sa ating future. Sa halip na maglaan ng pera rito, mabuting itabi at ipunin na lang ang perang gagastusin.
2. INGGIT. Kapag may bagong gamit ang katrabaho o kakilala natin, may mga pagkakataong naiinggit tayo at naeengganyo ring bumili, lalo na kung latest item ito. Mga besh, alam n’yo ba na hindi maganda ang inggit dahil nadadamay din ang ating wallet?
3. KATAMARAN. Lahat tayo ay may talent, pero hindi lahat ay may kasipagan para gamitin ito sa iba pang pagkakakitaan. ‘Yung iba kasi, oks na sa kinikita dahil nakaka-survive naman, pero ‘di ba, mas oks kung nakaka-survive ka na, nakakaipon ka pa? ‘Wag kang tamarin na gamitin ang iyong talent at libreng oras para sa extra income para sure na makaipon.
4. KAYABANGAN. Wow, bagong gadget at sapatos, ‘musta na savings mo? Well, wala namang masamang bumili ng mga bagay na feeling mo ay deserve mo, pero please lang, iwasan natin ang pagbili ng mga bagay na hindi naman kailangan para lang makapag-“flex” o makapagyabang. Tandaan, hindi natin kailangang maging maganda sa paningin ng iba kung ang kapalit nito ay ang laman ng ating pitaka.
5. KATAKAWAN. Isa ito sa mga mortal sins na kadalasang humahadlang sa karamihan para makaipon. Idagdag pa natin ang mga cravings na kapag nabili naman, hindi kakayaning ubusin o kainin dahil takaw-tingin lang. Hayyy, sa halip na kumain nang sobra-sobra, kumain nang tama at masustansiya. Okie?
6. KAWALAN NG DISIPLINA. Ito ang isa sa mga katangian ng karamihan kaya walang ipon. Sa panahon ngayon, kahit napakaraming tukso mula sa online shopping, sale sa mga mall at zero interest promo sa mga installment gadgets, kailangang pairalin ang disiplina para makaiwas sa pagbili ng mga bagay na hindi naman talaga kailangan.
7. WALANG TIWALA SA SARILI. Para makaipon, kailangang may tiwala tayo sa ating sarili. Hindi naman kailangang malaking pera agad ang maitabi mo dahil puwede mo itong simulan sa maliit na halaga, ‘ika nga, baby steps.
Alam n’yo na, mga besh? Subukan mong iwasan ang mga bagay na nabanggit at simulang mag-ipon kahit paunti-unti.
It’s time para kalimutan ang bad habits at palitan ng mga ugaling makatutulong para magkaroon ng magandang future. Kuha mo?