Hindi mangangahulugan na awtomatikong mare-renew ang prangkisa ng ABS-CBN Corporation sakaling magtakda na ng pagdinig hinggil dito ang Kamara.
Sagot ito ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa liham ng 14 na kongresista na gumigiit na agad nang magsagawa ng public hearing ang House Committee on Legislative Franchises patungkol sa isyu.
"To those calling for an immediate hearing on this matter, including my colleagues in Congress, let me just be very clear — a hearing does not mean automatic renewal," ani Cayetano.
Sinabi ni Cayateno na maraming kailangang mabusisi hindi lamang ang panig ng ABS-CBN at ng kanilang tagasuporta kundi maging ng mga tumututol na magawaran muli ito ng prangkisa. Ibig sabihin, sinabi ni Cayetano na kailangan ng sapat na panahon o serye ng mga pagdinig para masigurong maaalis na ang lahat ng pagdududa sa umano'y mga paglabag ng ABS-CBN sa kanilang prangkisa.
Ikinatwiran pa nito na may ibang mga prayoridad ang Kamara lalo na ngayong nasa gitna ng health crisis ang bansa.
Sa ngayon ay wala pang itinakdang petsa ng hearing ng ABS-CBN franchise renewal ang Legislative Franchises committee.