top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | December 4, 2021



Nangangailangan ng dagdag na tauhan ang Bureau of Quarantine para bantayan ang mga papasok ng bansa ngayong Pasko sa kabila ng banta ng Omicron COVID-19 variant.


Ayon kay Dr. Neptali Labasan, senior quarantine officer ng BOQ, mas magiging mahigpit ang kanilang pagmo-monitor sa mga darating sa bansa.


"Medyo 'yung personnel namin ay kulang. Parati po nating nire-request po sa kanila sana naman ay dagdagan," ani Labasan sa isang interview.


"'Pag may tinamaan po sa hanay po natin, hindi pupuwedeng mapilit na pumasok 'yun dahil talagang naka-quarantine po sila. Wala hong papalit sa kanila."


Sinabi ni Labasan na sa kabila ng pagtulong ng ibang ahensiya, nakararanas na ng sobrang pagkapagod ang mga tauhan sa BOQ dahil magdadalawang taon nang nakabantay ang mga ito sa mga port at airport laban sa COVID-19.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 23, 2021



Maaari nang makapasok sa Hong Kong ang mga Filipino workers na nabakunahan sa Pilipinas sa susunod na linggo, ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III noong Linggo.


Matatandaang kamakailan, ang mga nabakunahan lamang na OFWs sa Hong Kong ang pinapapasok sa naturang bansa at hindi tinatanggap ng kanilang pamahalaan ang mga vaccination certificates mula sa mga local government units ng Pilipinas.


Ngunit ayon sa DOLE, sa pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa Bureau of Quarantine (BOQ) at Philippine consulate sa HK, inaprubahan na ang pagpapapasok sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na bakunado na laban sa COVID-19 ngunit nararapat na ipakita nila ang mga valid vaccine certificates mula sa BOQ.


Ayon kay Bello, 3,000 OFWs ang nakatakdang i-deploy sa Hong Kong.


Samantala, sasailalim umano ang mga OFWs sa quarantine sa mga specified hotels na sasagutin ng kanilang mga employers.


Ayon pa sa kanya, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan ng HK sa mga partner hotels para sa mga iku-quarantine na OFWs.

 
 

ni Lolet Abania | August 15, 2021



Haharap sa matinding kaparusahan ang mga aplikante ng yellow cards o International Certificate of Vaccination and Prophylaxis (ICVP) kapag nagsumite sila ng mga dokumentong pineke.


Ayon kay Bureau of Quarantine (BOQ) Deputy Director Dr. Roberto Salvador, ginawa ang direktiba upang masigurong ang mga nag-a-apply para sa yellow cards ay hindi magpi-present ng pekeng requirements. “Puwedeng ma-revoke ang passport n'yo or matanggal sa trabaho,” ani Salvador sa isang interview ngayong Linggo.


Matatandaang inianunsiyo ng BOQ na nagkaroon ng pagtaas ng demand para sa pagkakaroon ng yellow card o ICVP, kung saan isang dokumento ito na ginagamit ng BOQ para ipabatid kung anong vaccine ang tinanggap ng isang indibidwal.


Ang dokumentong ito, na nire-recognize ng World Health Organization (WHO), ay maaaring iprisinta sa bansang pupuntahan. Dumami ang mga Pilipino na nagde-demand ng yellow cards matapos na ipahayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin, Jr. na ilang overseas Filipino workers (OFWs) ang bakunado na subalit hindi tinanggap ng Hong Kong ang mga vaccine certificates na mula sa Pilipinas dahil hindi ito konektado sa isang single source.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page