top of page
Search

ni Lolet Abania | October 20, 2021



Nakakumpiska ang mga awtoridad ng hinihinalang shabu na isinama sa ulam na adobong manok sa Davao City Jail-Annex nitong Martes.


Inaresto ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) XI ang dalawang kaanak umano ng inmate matapos ang tangkang pag-abot ng mga ito ng hinihinalang shabu na nasa adobo.


Ayon sa BJMP XI, nadiskubre ng duty searchers ng naturang jail na ang ulam na adobo ay may laman umanong ilegal na droga. Isinuksok umano ang mga sachet ng hinihinalang shabu sa mga karne ng manok sa adobo para itago.


Ginagawa umano ang “paabot” na aktibidad ng BJMP, kung saan puwedeng mag-abot ang mga kamag-anak ng mga gamit at pagkain para sa mga inmate.


Aabot sa 15 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P32,000 ang nasabat sa dalawang suspek.



 
 

ni Lolet Abania | October 4, 2021



Mahigit sa 21,000 inmates sa bansa ang nakatanggap na ng kumpletong doses ng bakuna kontra-COVID-19, ayon sa Department of Health.


“As of Oct. 1, we have a total of 21,487 out of the 170,404 masterlisted PDLs (persons deprived of liberty) have been fully vaccinated,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa press briefing ngayong Lunes.


Batay sa datos mula sa Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Corrections, sinabi ni Vergeire na mayroong 37,204 persons deprived of liberty (PDLs) ang nakatanggap naman ng first dose ng COVID-19 vaccine.


Aniya pa, ang pagbabakuna sa mga PDL ay isa sa mga prayoridad din ng DOH. “Ang mga PDLs are in an enclosed institution and their vulnerability and risk to infection is very high,” sabi ni Vergeire sa mga reporters.


Nanawagan naman ang DOH sa BJMP, BuCor at lokal na gobyerno sa inalaang alokasyon na COVID-19 vaccines ng ahensiya para sa mga PDL, kung saan prayoridad na sila ay mabakunahan.



 
 

ni Lolet Abania | July 27, 2021



Isinagawa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ngayong Martes ang inaugural blessing ng bagong tayong Mandaluyong City Jail na nasa Maysilo Circle, Barangay Plainview.


Sa isang pahayag ng BJMP, ang P515 milyon halaga ng 9-story facility na may kasamang 24 detention cells ay makakabawas sa congestion rate o pagsisiksikan sa loob ng kulungan ng mga inmates mula 722% hanggang sa -835%. Anila, “Thus, achieving a zero-congestion rate.”


Mailalagay na sa ayos ng bagong Mandaluyong City Jail ang 758 male at 101 female persons deprived of liberty (PDL) na kasalukuyang naka-detain sa Mandaluyong City Jail - Male and Female Dormitories.


Kabilang sa mga opisyal na dumalo sa inagurasyon ay sina Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, ang Department of Public Works and Highways, at si Congressman Boyet Gonzales.


Ayon kay Abalos, ang New Mandaluyong City Jail ay pinakamodernong kulungan sa bansa at kinokonsidera bilang isang “green building.” Matatandaang noong 2020, ayon sa Commission on Audit sa 2019 report ng BJMP, ang naging populasyon sa mga kulungan ay umabot na sa kabuuang 130,667 nitong Disyembre 31, 2019, kung saan lumampas sa ideyal na kapasidad ng mga kulungan na 24,306.


Sa Region 9 na pinaka-congested ay nasa 821%, kasunod ang National Capital Region (NCR) na nagtala naman ng congestion rate na 645%, habang ang rank third ay ang Region 7 na nasa 611% congestion rate. Samantala, ang mga kulungan sa Cordillera Administrative Region ang hindi gaanong masikip na nasa 103%, kasunod naman ang Region 2 na nasa 107% at ang Region 4B ang ikatlong least congested na nasa 222%.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page