ni Jasmin Joy Evangelista | February 3, 2022
Dinagdagan na ng Bureau of Immigrarion (BI) ng 80% ang onsite workforce nito sa lahat ng opisina sa National Capital Region (NCR).
Ito ay inanunsiyo ni Immigration Commissioner Jaime Morente matapos isailalim sa Alert Level 2 ang NCR at iba pang probinsiya mula February 1 to 15.
Ayon kay Morente, ang mga fully-vaccinated clients ay hindi na required na mag-reserve ng slot sa online appointment system bago makapagtransaksiyon sa naturang ahensiya. Kailangan na lamang ipakita ang vaccination card dito.
“Aliens, including the fully-vaccinated, who intend to file their annual report at the BI main office in Intramuros, Manila are still required to apply slots in the online appointment system,” ani Morente.
“The online appointment requirement also applies to all unvaccinated and partially vaccinated individuals, who have businesses to transact at the BI main building,” dagdag niya.
Ang mga opisina ng BI ay bukas mula 7 a.m. hanggang 5:30 p.m. sa ilalim ng Alert Level 2.
Samantala, isinailalim din ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang ilang lugar sa bansa sa Alert Level 2 kabilang ang Batanes, Bulacan, Cavite, Rizal, Biliran, Southern Leyte, at Basilan.