ni Lolet Abania | September 25, 2021
Tatlong lugar mula sa Visayas at Mindanao ang lumabas na positibo sa paralytic shellfish poison o toxic red tide na lumagpas sa itinakdang regulatory limit, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ngayong Sabado.
Sa latest bulletin ng BFAR, ang lahat ng uri ng shellfish at alamang (krill) ay hindi ligtas na kainin mula sa mga sumusunod na lugar:
• Coastal waters ng Dauis, at Tagbilaran City sa Bohol
• Lianga Bay sa Surigao del Sur
• Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur
Gayunman, sinabi ng BFAR, ang mga isda, pusit, hipon at crab o alimango mula sa mga naturang lugar ay ligtas namang kainin, subalit ayon sa ahensiya, “Provided that they are fresh and washed thoroughly, and internal organs such as gills and intestines are removed before cooking.”
Nakasaad din sa bulletin ang listahan naman ng mga lugar na walang itinuturing na toxic red tide, kabilang dito ang coastal waters ng Milagros sa Masbate, Carigara Bay sa Leyte, at Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte.