ni Mary Gutierrez Almirañez | February 25, 2021
Dalawang bumbero ang sugatan sa pagresponde sa nasunog na warehouse sa Tandang Sora, Ave. Barangay Sangandaan, Quezon City pasado alas-11 nang gabi nu'ng Miyerkules, Pebrero 24.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa ika-limang alarma ang sunog at sa sobrang laki ng apoy ay tinatayang dalawampung fire trucks ang kinailangang rumesponde dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig at maging ang isang trak ng bumbero ay inabot pa ng apoy ang bahagi ng windshield at side mirror.
Idineklarang fire under control ang sunog matapos ang anim na oras, kung saan mahigit P5 million ang halaga ng mga napinsala.
Maliban sa minor injury na tinamo ng dalawang bumbero ay wala namang residenteng naiulat na nasugatan. Sa paghupa ng apoy ay iba’t ibang grocery items ang na-recover sa warehouse na umano’y dahilan kung bakit mabilis kumalat ang apoy.
Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang totoong dahilan ng insidente. Samantala, pansamantala namang tumuloy sa evacuation center ang mga residenteng nakatira malapit sa bodega bitbit ang mga mahahalagang gamit at dokumento.