top of page
Search
  • BULGAR
  • Mar 27, 2021

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 27, 2021




Itinaas sa unang alarma ang sunog sa Tonsuya Elementary School sa Malabon City kaninang umaga, Marso 27.


Ayon sa Malabon Bureau of Fire Protection (MBFP), nagsimula ang apoy sa loob ng silid-aralan na nasa ikatlong palapag, kung saan natupok ang mga modules para sa online learning.


Pasado 10:45 ng umaga nang ideklarang kontrolado na ang sunog. Wala namang iniulat na nasugatan o nasawi sa insidente.


Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng MBFP ang dahilan ng sunog, gayundin ang kabuuang halaga ng mga napinsala.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 25, 2021




Patay ang mag-asawang senior citizen matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Roxas District, Quezon City kaninang ala-una nang madaling-araw, Marso 25, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).


Batay sa ulat, bumalik sa ikalawang palapag ang 78-anyos na babae para iligtas ang asawa niyang 79-anyos na bedridden ngunit sa kasamaang-palad ay bumagsak ang sahig na yari sa kahoy at doon na sila tinupok ng apoy.


Sa pagresponde ng mga bumbero ay kinailangan nilang umakyat sa bubong upang maabot ng tubig ang likurang bahagi ng nasusunog na bahay.


Tumagal nang mahigit isang oras ang sunog at sa paghupa nito ay tinatayang mahigit P3 milyon ang halaga ng mga napinsalang ari-arian.


Sa ngayon ay inaalam pa ng BFP ang sanhi ng sunog. Wala namang iniulat na nadisgrasyang residente maliban sa namatay na mag-asawa.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 2, 2021





Nasunog ang dalawang abandonadong barko sa Pier 5 Navotas Fish Port, Brgy. NBBS, Navotas City kahapon, Marso 1, bandang alas-5 nang hapon.


Ayon sa ulat, nagsimula ang apoy sa fender na pinagigitnaan ng mga barkong pagmamay-ari ng BSJ Fishing and Trading.


Nahirapan ang Bureau of Fire Protection na apulahin ang sunog dahil kinailangan pa nilang lumusong sa tubig at nang maapula ang apoy ay hindi rin sila kaagad nakababa sa barko dahil hinintay pa nilang mag-low tide hanggang madaling-araw.


Walang iniulat na nasaktan sa insidente.


Hanggang ngayon, inaalam pa rin ang sanhi ng sunog at ang halaga ng napinsala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page