top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 8, 2022



Sumiklab ang sunog sa Starmall Alabang bandang 3:43 kaninang madaling araw.


Pagdating ng 7:13am, inakyat na sa panlimang alarma ang sunog.


Itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang unang alarma bandang 3:40 a.m., at ikalawang alarma bandang 4:03 a.m., ayon sa Muntinlupa City Department of Disaster Resilience and Management.


Ang ikatlong alarma ay inanunsiyo bandang 4:49 a.m.


Bandang 7:00 a.m. ay patuloy pang inaapula ang apoy at itinaas na sa ikalimang alarma bandang 7:13 a.m.


Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng sunog.

 
 

ni Lolet Abania | September 15, 2021



Todas ang isang 87-anyos na lola matapos na ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Parañaque City ngayong Miyerkules nang madaling-araw.


Ayon sa Bureau of Fire Protection ng Parañaque City, sumiklab ang apoy bandang ala-1:12 ng madaling-araw sa Barangay Sto. Niño sa loob ng Valenzuela compound, kung saan na-trap ang lola na nasa ikalawang palapag ng kanilang tirahan habang 20 kabahayan ang nadamay at tinatayang 50 pamilya ang naapektuhan dahil sa sunog. Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi na si Lolita “Lily” Matadling.


Ayon sa apo ng biktima, bedridden na ang kanyang lola at naiiwan ito sa ikalawang palapag kanilang bahay.


Inaresto naman ng mga kawani ng barangay ang apo ng lola dahil sa ilang beses na umanong pagbabanta nito na susunugin ang kanilang compound.


Sa ngayon, hawak na ng mga opisyal ng barangay ang suspek na nabatid umanong gumagamit ng ilegal na droga.

 
 

ni Lolet Abania | September 5, 2021



Patay ang isang 14-anyos na dalagita matapos na ma-trap sa silid nito habang nasusunog ang kanilang tirahan sa Barangay Pulanglupa Dos, Las Piñas City ngayong Linggo nang umaga.


Batay sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Las Piñas City, sumiklab ang sunog pasado alas-8:30 ng umaga sa isang bahay sa Acacia St., Camella Homes Phase 5 Subdivision.


Ayon sa officer-in-charge ng arson investigation ng BFP-Las Piñas City na si SFO1 Mar Fajardo, nagsimula ang apoy sa isang kuwarto sa unang palapag ng naturang tirahan.


Sa salaysay ng may-ari ng bahay sa BFP, tumambad sa kanila ang maitim na usok pagbukas nila ng pintuan ng kanilang silid kaya agad niyang pinalabas ang kanyang misis at nanay.


Isang kapitbahay naman ang nagpahiram ng fire extinguisher subalit hindi naman ito gumana.


Tinangka pang sagipin ng tatay ang kanyang anak na natutulog pa sa ikalawang palapag ng bahay subalit mabilis na kumalat ang apoy habang nasunog na rin ang kisame ng bahay.


Sinabi pa ng BFP, gawa sa light materials ang malaking bahagi ng tirahan kaya agad itong natupok.


Narekober ang katawan ng dalagita sa kama nito matapos na maapula ang apoy. Nakaligtas naman ang dalawang nakatatandang kapatid ng dalagita, pati na ang nakatira sa kuwarto sa ground floor dahil nasa vaccination site ang mga ito para magpabakuna.


Sa ngayon, iniimbestigahan na ng BFP, ang naging sanhi ng sunog habang iprinoseso na rin ng SOCO ang lugar.


Gayundin, inaalam pa ng mga awtoridad ang halaga ng pinsala matapos ang sunog.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page