ni Lolet Abania | July 8, 2021
Sumiklab ang sunog sa isang tirahan sa Barangay Zone 4, Atimonan, Quezon ngayong Huwebes nang umaga.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Atimonan, itinaas sa ikatlong alarma ang naturang sunog.
Agad na rumesponde ang mga bumbero mula sa Gumaca, Unisan at Lucena City.
Sa ulat, pasado alas-10:00 ng umaga nagsimula ang sunog habang mabilis na kumalat ang apoy dahil sa gawa sa kahoy ang malaking bahagi ng bahay kasabay ng malakas na hangin, at magkakadikit ang mga tirahan sa lugar.
Agad namang nagbayanihan ang mga residente ng Atimonan, kung saan nagtulung-tulong sila para punuin ng tubig ang isang fire truck na naubusan.
Dalawang bahay ang labis na naapektuhan ng sunog at hindi na gumapang ang apoy sa ibang bahay.
Bandang alas-12:00 ng tanghali nang ideklarang under control ang sunog habang alas-12:20 ng hapon naman idineklarang fire out.
Patuloy pang inaalam ng BFP Atimonan ang naging sanhi ng sunog at halaga ng natupok na ari-arian.
Wala namang nasawi sa sunog subalit dalawa ang naiulat na nasugatan. Magbibigay naman ng tulong ang local government unit (LGU) ng Atimonan sa mga nasunugan.