ni Lolet Abania | April 3, 2022
Isa ang patay at dalawa ang nasugatan matapos na sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Sta. Cruz, Manila, ngayong Linggo ng umaga.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang-alas-7:00 ng umaga sa dalawang palapag na lumang apartment habang nadamay ang ilang bahay na nasa kanto ng Leonor Rivera at Antipolo Streets.
Sa ulat, may makakapal na itim na usok pang makikita sa itaas ng nasusunog na mga kabahayan.
Pasado alas-7:00 ng umaga, itinaas ng BFP ang sunog sa ikalawang alarma.
Habang idineklarang under control ang sunog pasado alas-9:22 ng umaga.
Gayunman, hindi pa binanggit ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng nasawing biktima.
Nasa tinatayang 80 pamilya ang apektado dahil sa sunog. Pansamantala namang nananatili ang mga residenteng naapektuhan sa barangay center, habang ang iba ay nagtungo sa kanilang mga kaanak.
Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang sunog na posible anilang anggulo ito ng arson, habang ang isang suspek ay nasa kostudiya na ng pulisya at mga barangay officials.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang halaga ng napinsala sa mga ari-arian matapos ang sunog.