ni Mary Gutierrez Almirañez | February 28, 2021
Nakumpiska ang mahigit P30 milyon halaga ng mga pekeng sigarilyo at makina sa paggawa nito sa magkasunod na operasyon ng pulisya at mga tauhan ng Bureau of Customs sa Orion, Bataan nitong Sabado nang gabi, Pebrero 27.
Ayon sa ulat, tinatayang P20 milyon ang nasabat sa unang operasyon at sa follow-up operation naman ay nagkakahalagang P10 milyon na mga pekeng sigarilyo at kagamitan ang nakuha sa sinalakay na bodega.
Matatandaang noong Miyerkules ay mahigit P9 milyon halaga ng mga pekeng sigarilyo ang nasabat din sa Bataan kung saan 400 master cases ng Marvels, D&B, Mighty at Tomon cigarettes na karga ng trailer truck ang naharang sa checkpoint ng 2nd Provincial Mobile Force Company at ng Limay Municipal Police Station, kasama ang kinatawan ng Philip Morris Fortune Tobacco Corp., at Japan Tobacco Inc..
Paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Rights ang ikinaso sa mga nahuli.