ni Mary Gutierrez Almirañez | May 6, 2021
Dalawampung libong tabletas ng Ivermectin at iba pang undeclared regulated drugs ang naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong araw, May 6.
Ayon sa Bureau of Customs, nanggaling ang mga gamot sa New Delhi, India at idineklara sa shipment bilang mga food supplements, multivitamins at multi-mineral capsules.
Paliwanag naman ni Director Jesusa Joyce N. Cirunay ng Center for Drug Regulation and Research, ang mga pinapayagan lamang na Ivermectin sa bansa ay ‘yung galing sa importer na idi-distribute sa mga ospital na aprubado ang compassionate special permit (CSP).
Aniya, "In case Ivermectin has been granted authorization, a valid License to Operate (LTO) as Drug Importer and Emergency Use Authorization (EUA) or Certificate of Product Registration (CPR) shall be presented."
Sa ngayon ay 5 ospital na ang pinahihintulutan ng Food and Drug Administration (FDA) upang ipainom ang Ivermectin sa kanilang pasyenteng may COVID-19, buhat nu’ng maaprubahan ang isinumiteng CSP.
Gayunman, patuloy pa ring ipinagbabawal ang ilegal na pag-inom at pagdi-distribute ng Ivermectin sa bansa hangga’t hindi pa napatutunayan sa clinical trial test ang effectivity nito.