top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | October 8, 2021



Malaki ang nagiging epekto ng mga puslit na imported na gulay sa mga magsasaka ng Cordillera Region.


“Malaki ang epekto. Kung tumataas ang presyo ng gulay, yung mga imported bumabagsak sa atin. Yung manggugulay dito sa Cordillera—Benguet, Mountain Province, Ifugao—malaki talaga ang impact nito, lalo na tumataas din ang cost of production," sabi ng kinatawan ng Apit Tako Kordilyera o ang Alyansa Dagiti Pesanta Ti Taeng Kordilyera na si Fernando Bagyan.


“Kaya marami ang nalulugi, liban pa ang epekto ng pandemic na ito. Ang daming regulation. Maraming buyers ang hindi nakakabiyahe po papunta dito. Kaya maraming imbes na maipunta sa market, nabubulok na lang,” dagdag niya.


Pinakaapektado raw dahil sa smuggling ay ang carrots, repolyo, at broccoli.


Pero dahil may mga nakapupuslit pa ring mga imported na gulay, ang mga hindi naibebenta ng mga manggugulay ay tinatapon na lang dahil nabubulok na ang iba, at ang iba naman ay ipinamimigay na lamang.


Matatandaang nagbabala na ang Department of Agriculture sa publiko sa pagbili ng mga imported na gulay na maaring makasama sa kalusugan dahil hindi tukoy ang pesticide at formalin content ng mga ito.

 
 

ni Lolet Abania | October 3, 2021



Nakasamsam ang mga tauhan ng Bureau of Customs-Port of NAIA ng mga hindi rehistradong gamot na nagkakahalaga ng mahigit sa P29 milyon mula sa Hong Kong.


Sa pahayag ng BOC-NAIA ngayong Linggo, walang clearance mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang mga gamot na kanilang nakuha sa 146,640 na kahon mula sa 6 na shipment, kung saan tinatayang nasa kabuuang halaga na P29,328,000 ang mga ito.


Nang idaan sa physical examination, tumambad na naglalaman ang mga shipment ng mga kahon ng Lianhua Qingwen Jiaonang, ang traditional Chinese medicines na nire-regulate ng FDA.


Ayon pa sa BOC-NAIA, hindi na nila matagpuan ang consignee ng mga naturang gamot kahit sa nai-record na address na ibinigay nito.


Sinabi ng BOC na ang mga nakumpiskang mga gamot ay dadaan sa seizure and forfeiture proceedings dahil sa paglabag sa Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture) in relation to Section 117 (Regulated Goods) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), at sa Food and Drugs Act.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 2, 2021



Sinalakay ng National Bureau of Investigation, Bangko Sentral ng Pilipinas, at Bureau of Customs ang isang warehouse sa Quezon City dahil sa mga nakaimbak na barya na aabot sa Php 50 million.


Bukod sa milyon-milyong barya, natagpuan din sa warehouse ang ilang luxury sports car na pawang wala umanong mga dokumento.


Hindi pa matukoy kung bakit nakaimbak ang pera roon pero money laundering umano ang isa sa mga tinitignang anggulo ng awtoridad.


“Kasi kapag ganito karaming barya, usually galing sa illegal gambling,” ani Joel Pinawin, intelligence division chief ng BOC.


Sa labas naman ng bahay ay nadiskubre ang 5 luxury car na nasa P100 milyong piso ang halaga.


Batay sa kanilang surveilance, 11 luxury car umano ang nakaparada sa lugar noong nakaraang araw.


“Kahinahinala ‘yung mga kotse kasi pansin mo walang plaka, tapos wala ring conduction sticker,” ani Pinawin.


Kinalawang at inamag na umano ang ilang barya na nakatambak sa nasabing warehouse.


Ayon naman sa barangay, hindi nila alam kung paanong dinala ang mga barya sa lugar lalo’t mataas ang bakuran ng bahay.


“During the day wala kaming nakikita hindi namin alam kung paano naipon ‘yan. Ang huling activity dito ‘yung request nila sa pagsesemento,” ani Jose Maria Rodriguez, barangay captain ng Barangay Laging Handa.


Dumating naman ang nagpakilalang kasosyo ng may-ari umano ng mga kotse na si Felix Uy pero tumanggi siya magbigay ng paliwanag.


Isinara muna ng mga awtoridad ang bahay at binigyan ng 15 araw ang mga may-ari nito para magpaliwanag tungkol sa mga barya at kotse, at patunayang hindi ito galing sa ilegal na gawain.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page