ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 28, 2023
Umaabot sa halagang P1.43 bilyon na e-cigarettes o vapes na pinaniniwalaang ilegal ang natuklasan sa isang bodega sa Valenzuela City, ngayong araw, Oktubre 28.
Ayon sa Bureau of Customs (BOC), 14,000 kahon na naglalaman ng mahigit 1.4 milyong piraso ng 10ml disposable e-cigarettes na may markang "FLAVA" ang nakita sa lugar.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, nagkakahalaga ng P500 bawat piraso ang e-cigarette, na nagiging P700 milyon ang kabuuang halaga, habang umaabot sa P728 milyon ang buwis nito, batay sa P52 na halaga ng buwis bawat isang ml ng e-cigarette.
"These kinds of activities do not only adversely impact our local tobacco industry, but it also takes away from the government a sizeable chunk of money that we can use for our infrastructure programs, social services,” dagdag ng BOC chief.
Inatasan ni Rubio ang inspeksyon sa pamamagitan ng isang "letter of authority" batay sa impormasyon na natanggap ng Customs' intelligence unit
“We received information last October 24, 2023 that a warehouse in Valenzuela City is being utilized as storage of voluminous illegally imported e-cigarettes or vape products without proper payment of correct duties and taxes,” ani Verne Enciso, BOC’s intelligence unit director.
Sinabi ni Deputy Commissioner Juvymax Uy ng BOC na bibigyan ng panahon ang mga may-ari at kinatawan ng warehouse para magpakita ng angkop na mga dokumento at patunay ng mga buwis na kanilang binayaran.