ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 3, 2021
Nananatiling nakataas sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal ngayong Sabado, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Naitala rin ng PHIVOLCS ang 48 volcanic earthquakes simula alas-5 nang umaga kahapon, Biyernes.
Patuloy na nagbubuga ng sulfur dioxide flux ang bulkan at ayon sa PHIVOLCS, ang plumes nito ay may taas na 3,000 meters.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpunta sa Taal Volcano Island at pagpasok sa mga high-risk barangays katulad ng Agoncillo at Laurel.
Ayon naman kay Paolo Reniva, resident volcanologist ng Taal Volcano Observatory, may posibilidad na itaas sa Alert Level 4 ang bulkan dahil sa patuloy na aktibidad at pamamaga ng main crater nito.
Aniya sa isang panayam, “Bilang precaution at preemptive measure inirerekomenda na huwag muna pong pumunta sa Volcano Island. Pero kung may waiver naman po, responsibilidad at depende na po 'yun sa aksiyon ng mga LGUs kasi may mga aquaculture nga po rito, so iniisip din po nila ‘yun.”