ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 24, 2021
Ibinaba na sa Alert Level 2 (decreased unrest) ang volcanic status ng Bulkang Taal mula sa Alert Level 3 (magmatic unrest), ayon sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa Taal Volcano Bulletin ng PHIVOLCS, naitala ang 3 volcanic earthquake at mahinang background tremor sa bulkan sa nakalipas na 24 oras na pagmamanman simula alas- 5:00 AM kahapon hanggang alas-5:00 nang umaga ngayong araw.
Patuloy pa ring naglalabas ng mataas na lebel ng volcanic sulfur dioxide (SO2) at steam-rich plumes ang Bulkang Taal na umaabot sa taas na 900 meters mula sa main crater nito.
Saad ng PHIVOLCS, “DOST-PHIVOLCS reminds the public that at Alert Level 2, sudden steam or gas-driven explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall, and lethal accumulations or expulsions of volcanic gas can occur and threaten areas within and around Taal Volcano Island (TVI).”
Patuloy pa ring ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang “Pagpasok sa TVI, lalo na sa main crater at Daang Kastila fissures, pamamalagi sa lawa ng Taal, at paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.”