ni Lolet Abania | June 5, 2022
Labing-apat na hikers mula sa Cavite, ang nailigtas ng mga awtoridad na nasa paanan ng Mount Bulusan nang sumabog ang naturang bulkan ngayong Linggo ng umaga.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Barcelona, Sorsogon sa lugar at tinulungan ang mga hikers na makaalis sa paanan ng bulkan.
Ayon kay Barcelona MDRRMO chief Leo Paul Ferreras, alas-11:00 ng umaga nitong Sabado, sinimulan ng mga hikers ang kanilang pag-akyat sa Mount Bulusan, kung saan nag-umpisa silang maglakad sa Barangay San Ramon.
Nabatid ng mga miyembro ng MDRRMO, ang sitwasyon ng mga hikers habang nagpapatrolya sa mga barangay na malapit sa bulkan, para pagsabihan ang mga residente na sila ay dapat nang magsilikas.
Bandang alas-10:37 ng umaga ngayong Linggo, naitala ang phreatic eruption o pagsabog ng Bulusan Volcano, ang unang pagputok simula noong 2017. Naging tahimik mula noon ang bulkan matapos ang eruption nito.
Ayon sa PHIVOLCS, dalawang bayan sa Sorsogon, ang Juban at Casiguran ay nakararanas na ng ashfall. Nai-report din ng local disaster authorities ng pagkakaroon ng ashfall sa tatlong barangay sa bayan ng Irosin. Sa ngayon, wala pang nai-report ang mga awtoridad sa kabuuang bilang ng mga residenteng nagsilikas.