ni Angela Fernando @News | Dec. 10, 2024
Photo: Bulkang Kanlaon - Phivolcs
Ikinagulat ng mga residente ng Negros Island ang biglaang pagsabog ng Bulkang Kanlaon dahil sa malalakas na pagyanig at pagbagsak ng abo.
Simula sa pagsabog noong Lunes, humigit-kumulang 3,940 pamilya ang inilikas mula sa Negros Occidental at Negros Oriental, ayon sa mga opisyal ngayong Martes.
Sa Negros Oriental, sinabi ni Edgar Posadas, tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD), na sapilitang inilikas ang humigit-kumulang 1,800 pamilya mula sa limang barangay na nasa loob ng anim na kilometrong danger zone ng bulkan.
Samantala, iniulat ni Irene Bel Poteña, pinuno ng provincial disaster risk reduction and management offices (PDRRMO) ng Negros Occidental, na 2,140 pamilya ang inilikas sa lalawigan, kabilang ang 1,132 mula sa La Castellana, ang pinakamalubhang naapektuhan.
Kasama rin sa mga apektadong lugar ang La Carlota City (673 pamilya), Pontevedra (200 pamilya), Bago City (131 pamilya), at Moises Padilla (4 na pamilya).