ni Fely Ng - @Bulgarific | September 29, 2022
Hello, Bulgarians! Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan ng isang bagong technology firm at kompanyang nakabase sa Cebu City, upang isulong ang lubos na paggamit ng teknolohiya sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Napagkasunduan ng ITechConnectPH at Suki Trading Corporation mula sa Cebu City, na palakasin ang pagpatupad ng teknolohiya sa iba’t ibang larangan. Napansin ni Undersecretary Sancho Mabborang ng Department of Science and Technology (DOST), ang umano’y mahina o mababang implementasyon ng teknolohiya kaya’t sa pamamagitan ng ITech… ni Francisco “Popoy” Pagayon, presidente ng Filipino Inventors Society Producers Cooperative (FIPC) ay inaasahang magkaroon ng high rate of adoption.
Batay sa nilagdaang MOA sa pagitan nina Pagayon at Victoriano Ocon, presidente ng Suki Trading, napagkasunduang ang kompanya ng una ang magsasagawa ng marketing ng intellectual property (IP) ng korporasyong Suki. Magbebenta ng IP ng kompanya ni Ocon, ang ITech. Ang pagsulong sa IP ay isasagawa sa maraming rehiyon ng bansa, tulad ng sa Regions 1, 2, 3, 4A, 4B, 5 at CAR. Ang promosyon ay maaaring sa pagbenta ng technology at technical information; intellectual property rights na kinabibilangan ng patents, trademarks, copyrights, system designs at iba pang may kinalaman sa IP. Ang iba pang IP na isusulong ay mga dokumentong may kinalaman sa impormasyon, tulad ng hinggil sa technology, technical know-how at technical knowledge.
“Dito ay matitiyak natin na tataas ang adoption rate sa DOST dahil hindi lamang limitado ’yong pakikipag-ugnayan sa mga inventor, kundi sa mga researchers, scientists, engineers na mayroong technology na puwedeng ibenta, puwedeng i-commercialize or for public good,” ani Mabborang.
Ang Suki Trading Corp. ay nagbebenta rin ng agri-industrial machinery at construction equipment.
Napagkasunduang magbabayad ng P1-M ang Suki Trading Corporation sa ITechConnectPH bilang signing fee. Bibigyan din ng karapatan ang kompanya na ma-access ang anumang technology, intellectual property rights, documents at technical information mula sa Suki Trading.
Ang ITechConnectPH at Suki Trading Corporation ay parehong miyembro ng DOST Small Enterprise Technology Upgrading Program (DOST-SETUP).
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.