ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | November 9, 2020
Hello, Bulgarians! Inanunsiyo nitong Martes, Nobyembre 3, 2020 ng top executives ng Pag-IBIG Fund na handa silang tumulong sa mga miyembrong naapektuhan ng Bagyong Rolly.
Ayon sa head ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees na si Secretary Eduardo D. del Rosario, handa na silang tulungan ang mga naapektuhan ng Bagyong Rolly sa pamamagitan ng Calamity Program.
Halos 226,170 miyembro ng ahensiya ang naapektuhan ng bagyo at maaaring paghatian ang kabuuang P4.4 bilyon sa calamity loan.
Bukod pa rito, naglagay na rin ang ahensiya ng service desk sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo upang mas mapadali ang pag-a-apply sa loan.
Sa ilalim ng Calamity Loan Program ng Pag-IBIG Fund, maaaring makahiram ang mga miyembro ng halos 80% ng kanilang kabuuang Pag-IBIG Regular Savings kung saan nakapailalim ditto ang kanilang monthly contribution, employer’s contribution at accumulated dividends. Ito ay maaaring makuha sa loob ng 90 araw matapos ideklara ang state of calamity sa kanilang bayan.
Sa programa ring ito, makukuha ang lowest rate na 5.95% per annum. Ito ay maaaring bayaran sa loob ng 24 buwan at mag-uumpisa ang bayaran matapos ang 3 buwang pagkuha nito.
Dagdag pa ni del Rosario, nitong Enero, nakapaglabas sila ng P3.84 bilyon sa Calamity Loan upang matulungan ang 301,391 miyembrong naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.
Samantala, para sa mga miyembrong mayroon pang internet access at may Loyalty Card Plus, Land Bank of the Philippines o United Coconut Planters’ Bank (UCPB) cash card ay maaari ng makapagpasa ng loan application gamit ang kanilang Virtual Pag-IBIG. Sa pamamagitan nito ay makukuha nila ng mas madali at mabilis ang kanilang loan.