ni Fely Ng - @Bulgarific | March 7, 2021
Hello, Bulgarians! Kasabay ng panawagan ng economic sector na higit pang buksan ang ekonomiya at isailalim na ang buong bansa sa mas maluwag na modified general community quarantine (MGCQ), nagpahayag naman ng kumpiyansa si Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder, Joey Concepcion, na ang pagdating sa bansa ng Sinovac mula sa China at AstraZeneca mula sa COVAX facility ay simula na rin nang tuluyang pagbangon ng ekonomiya ng bansa na nalugmok dahil na rin sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“As we vaccinate, we must put the entire country into MGCQ, boost domestic tourism to recover faster, and allow the economy to open more. This is the last and only chance for our micro and small entrepreneurs to come back strong and utilize the fourth quarter as the start of their bounce back,” ayon kay Concepcion.
Aniya, inaasahang sa pagsapit ng Mayo ay makatatanggap pa ang bansa ng may 2.6 milyong doses ng AstraZeneca vaccines sa pamamagitan ng ‘A Dose of Hope’ program habang sa ikatlong bahagi naman ng taon ay maide-deliver na rin ang natitira pang 14 milyong doses ng bakuna, kabilang na rito ang ikalawang batch ng order mula sa pribadong sector at mga local government units (LGUs).
Nakatakdang dumating sa bansa ang iba pang brand ng bakuna, kabilang na ang Moderna at Novavax sa ikatlong bahagi ng taon, bukod pa sa vaccine order ng National Government.
Sinabi ni Concepcion na kung magiging maayos ang daloy ng vaccination program ng pamahalaan, kung saan ang ikalawa at ikatlong quarter nito ang itinuturing na critical point ay makakaasa na ang mga Pinoy na makababangon ang bansa sa huling bahagi ng taong ito.
“With vaccines to start coming in by May onwards, especially in the third quarter that will bring in a lot of confidence. Remember 2022 is an election year that is the biggest stimulus when people start to spend behind election. The last quarter of 2021 which is Christmas, I believe is going to be the chance for many of our MSMEs to get back on their feet. That should be the time that the economy must really be bouncing back,” aniya pa.
Dagdag pa niya, ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang kaagad na mai-deliver ang mga bakuna sa bansa at maisagawa ng maayos ang pagbabakuna sa mamamayan sa huling bahagi ng taon upang maibalik at mapataas ang kumpiyansa ng mga konsumers.
“Then we’ll have spending because of the Christmas season and the elections which would complement the numerous stimulus packages such as the Bayanihan 2, the CREATE bill, and the proposed Bayanihan 3,” saad pa niya.
Sa pagtatagumpay ng lahat ng ito, muling makakabangon ang ekonomiya sa ikaapat na quarter at tiyak nang magiging maganda ang pasok ng 2022.
Nakausap niya ang isa sa pinakamalaking financing companies sa bansa at lumilitaw na tila maraming micro at small enterprises ang apektado ng pandemya dahil marami sa loan na mas mababa sa P500, 000 ay hindi nababayaran habang ang nakababayad ay yaong malaki ang utang.
Makikita ang epekto ng problemang pang-ekonomiya sa maliliit na negosyante lalo na ang kanilang lifelines sa mga bangko ay hindi kasinglaki ng sa mga katamtaman at malalaking kumpanya.
Naniniwala naman si Concepcion na ngayong nasa bansa na ang mga bakuna ay maaari nang higit pang buksan ang ekonomiya at iminungkahing panatilihin munang online ang pag-aaral ng mga bata para na rin sa kanilang kaligtasan.
Para sa anuman impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.