ni Fely Ng @Bulgarific | September 10, 2024
Hello, Bulgarians! Tiniyak ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr., bunsod na rin ng sunud-sunod na anunsiyo, ang paglawak at paglaki ng mga benefit package ng ahensya na nagsimula pa noong nakaraang taon.
“Hindi maikakaila na nakikita at nararamdaman na ng mga miyembro ang mas pinagbuting benepisyo nila sa PhilHealth. Sinimulan natin ito sa dialysis kung saan sinagot na natin ang lahat ng sesyon sa isang taon at itinaas pa ang bayad sa bawat sesyon,” saad ni Ledesma.
Matatandaang mula sa 90 ay ginawang 156 sesyon na ang sakop ng PhilHealth, at mula P2,600 ay itinaas sa P4,000 ang kada sesyon, na aabot sa P624,000 kada taon mula sa dating P405,600. Idagdag pa na permanente na at ginawa pang “no balance billing” ito ng ahensya para masigurong mararamdaman ng mga pasyente.
“Naririnig namin ang hinaing ng mga kababayan natin na matulungan sila sa magastos na pagpapagamot. Nakikita at nararamdaman natin iyan sa ating pakikipagpanayam sa mga pasyente. Minamadali namin ang pagpapabuti ng mga benepisyo. Sinimulan lamang namin ito sa mga malulubhang sakit dahil talagang nakakabutas ng bulsa ang gamutan gaya ng breast cancer, pulmonya, stroke, asthma at iba pa,” paliwanag ng PhilHealth chief.
Ayon sa health insurance agency, higit-dobleng umento ang ipinatupad nito sa hemorrhagic stroke (P80,000 mula P38,000), ischemic stroke (P76,000 mula P28,000), bronchial asthma (P22,488 mula P9,000), neonatal sepsis (P25,793 mula P11,700), at iba pa.
Ibinida rin nito ang 1,400 porsyentong pagtaas sa Z benefit package sa breast cancer, o hanggang P1.4 milyon mula sa dating P100,000. Idinagdag din ang ultrasound at mammogram sa Konsulta package na libreng mapapakinabangan ng mga kababaihan para maagapan ang breast cancer. Ito ay bukod pa sa 13 laboratoryo at 21 gamot na kasalukuyang makukuha nang libre mula sa higit 2,000 Konsulta providers sa bansa.
Bukod dito, asahan din ang paglaki sa iba pang benepisyo bago matapos ang taon tulad ng chemotherapy para sa cancer sa baga, atay, cervical at prostate, kasama na rin ang emergency care, open-heart surgeries, ischemic heart disease with myocardial infarction, ST Elevation Myocardial Infarction (STEMI), cataract extraction, peritoneal dialysis, post-kidney transplant, physical and medical rehabilitation, at dengue.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.