ni Fely Ng - @Bulgarific | May 14, 2022
Hello, Bulgarians! Bilang bahagi ng mandato na tumulong at magbigay ng kaukulang pondo para sa mga programang pangkalusugan ng bansa, ang ahensiya ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay nagbibigay ng mga ayudang medikal sa pamamagitan ng Medical Access Program o (MAP) kilala rin sa dating tawag na Individual Medical Assistance Program o (IMAP) na ang pangunahing layunin ay tulungan ang mga Pilipino sa kanilang pangangailangang medikal gaya ng Hospital Confinement, Erythropoietin (Dialysis Injection), Cancer Treatment (Chemo Drugs & Radiation Therapy), Specialty Medicines (Hemophilia, Post Kidney Transplant Medicines, Rheumatoid Arthritis, Anti-Lupus, Immunocompromised Disease, Psoriais, Orphan Diseases, Idiophatic Thrombocytopenic Purpura – ITP, Thalassemia and Neuro-Psychiatric) at iba pa, (30%) ng kabuuang kita ng tanggapan ay inilalaan sa Charity Fund kung saan ito ay ginagamit sa mga programa para sa kawanggawa kasama na ang pantulong sa programang medikal.
Sa buwan ng Abril 2022 ang PCSO ay namahagi ng halagang P137,434,526.50 bilang tulong medikal para sa 18,144 na mga kwalipikadong pasyente sa buong Pilipinas.
Nagmula sa Northern and Central Luzon (NCL) Department ang may pinakamataas na halagang naibigay, P34,894,525.29 para sa 4,636 na katao. Sinundan ito ng Southern Tagalog and Bicol Region (STBR) Department na may halagang P29,307,535.16 para sa 4,748 na pasyente. Pumapangatlo naman ang National Capital Region (NCR) Department na nakapagbigay ng P27,679,218.53 para sa 2,121 na humingi ng tulong.
Samantalang ang Visayas Department naman ay may P24,653,691.79 na ibinahaging tulong para sa 3,398 na pasyente. Ang may pinakamaliit na naipamahaging tulong ay mula naman Mindanao Department, namahagi lamang sila ng P20,899,555.73 para sa 3,241 na katao.
Mula sa kabuuang halaga, ang P82,131,968.48 ay naibigay sa 8,248 katao na nangangailangan ng pagpapaospital o Hospital Confinement. Namahagi rin ng tulong medikal para sa mga pasyenteng may kanser. Nagbigay ang PCSO ng P17,614,544.50 para sa Chemotherapy ng 1,831 na pasyente at P1,290,945.00 para naman sa Radiation Therapy ng 86 na pasyente. Ang P27,928,825.67 naman ay ginamit sa pagda-dialysis ng 7,103 na pasyente.
Namahagi rin ng P2,024,900.00 para sa implant ng 58 na pasyente, idagdag pa ang P4,095,586.09 para naman sa 620 na nagpa-laboratoryo (laboratory procedures) at P19,991.50 para sa 4 na pasyente na naggagamot at nagpatingin sa Neuro-Psychiatrist.
Ang PCSO ay nagkaloob din ng iba’t ibang klase ng gamot sa halagang P305,900.00 para sa 13 katao. Post-Transplant medicines na nagkakahalaga ng P1,215,258.14 ang ibinigay sa 107 na katao, P270,016.00 para sa 36 na pasyente na may Hemophilia. Nagbigay din ng halagang P207,170.00 gamot para sa 14 pasyente na may Idiopathic Thrombocytopenic Purpara (ITP). Apat (4) na pasyente naman ang may sakit na Psoriasis ang nabigyan ng P84,310.00 para sa kanilang sakit. Gamot na nagkakahalaga ng P151,030.00 para naman sa 14 na katao na may sakit na Lupus at P94,081.12 para naman sa 6 na pasyenteng may sakit ng Rheumatoid Arthritis.
Samantala, tiniyak ni PCSO Vice Chairperson and General Manager Royina Marzan Garma na gagawin ang lahat para mapataas ang benta ng mga laro at produkto ng PCSO para sa tuluy-tuloy na pagtulong ng ahensiya sa publiko, “Hinihikayat ko ang mamamayang Pilipino na tangkilikin ang lahat ng lotto games kasama na ang STL games para makaipon ang PCSO ng pondong maipantutulong sa mga nangangailangan lalo na sa tulong medikal.”
Para sa mga nagnanais humingi ng tulong medikal sa PCSO ay mangyari lamang na bisitahin ang PCSO website www.pcso.gov.ph at basahin ang proseso gayundin ang mga kinakailangang dokumento. Pinapaalalahanan din ang publiko na bawal na ang walk-in applicants sa PCSO Main Office bagkus sila ay inaabisuhan na mag-apply online sa nasabing website o magpasa ng mga kinakailangang dokumento sa mga Malasakit Centers ng mga pampublikong ospital.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.