ni Mai Ancheta | June 16, 2023
Sugatan ang 18 katao dahil sa insidente ng sunog na may kasamang pagsabog ng mga paputok sa Bgy. Bundukan, Bocaue, Bulacan, kahapon ng madaling-araw.
Batay sa inisyal na report ni Fire Marshal Inspector Carlo Mariano, ng Bocaue Bureau of Fire Protection, nagtamo ng bahagyang pinsala ang mga biktima at dinala sa pagamutan dahil ang iba sa kanila ay inatake ng hypertension.
Ang mga biktima ay mga residente malapit sa isang warehouse na kinalalagyan umano ng mga paputok.
Bago naganap ang pagsabog, nakita umano ng mga residente na nagkaroon ng pagsiklab ng kable ng kuryente sa labas ng isang bahay at inabot ang warehouse na pinaniniwalaang pinagtaguan ng mga paputok.
Ayon kay Bulacan Police Director Colonel Relly Arnedo, ang sumabog na warehouse ay ilegal na itinayo sa nabanggit na lugar.