ni Jenny Rose Albason @News | October 9, 2023
Ikinalungkot ni Department of Information and Communications Technology Secretary (DICT) Ivan John Uy ang pagliit ng budget ng cybersecurity programs ng ahensya.
Ayon kay Uy, ang mga ito ay nauuri bilang confidential o intelligence funds na kailangan para labanan ang mga cybercriminals.
Sa sideline ng paglulunsad ng Cybersecurity Month 2023, sinabi ni Uy na ang 2024 cybersecurity budget ng DICT ay P300 milyon lamang, na mas mababa sa budget noong mga nakaraang taon.
Dagdag pa niya, mahalagang magkaroon sila ng mas malaking budget dahil tulad ng militar, nakikipagdigma rin sila--cyber warfare.
“Kumbaga kung may giyera po tayo, kung iyong giyera ay palaki ng palaki, iyong budget para sa armas at sa sundalo ay paliit ng paliit. Paano po natin lalabanan ang mga kalaban kung hindi tayo bibigyan ng bala, hindi tayo bibigyan ng armas, hindi tayo bibigyan ng sundalo na matrain para tugusin ang mga ito?” ani Uy.
Ipinagtanggol din niya ang paggamit ng confidential funds, at iginiit na kailangan din nila ng mga covert operations upang labanan ang cybercriminals.
Nang tanungin kung magandang kumuha sa confidential funds ng ibang ahensya, lalo na ang civil agencies, sinabi ni Uy na anumang tulong ng karagdagang pondo ay malugod nilang tinatanggap.
Inaasahan din niya na ang lahat ng ahensya at ang publiko ay gumawa ng kanilang bahagi sa pagprotekta sa kanilang data online.
Iginiit niya na hindi masusubaybayan ng DICT ang mga datos o site ng mahigit 600 national government agencies, 1,600 local government units, at may 100 state colleges at universities.