ni Lolet Abania | August 13, 2021
Nagbitiw sa puwesto si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado dahil sa kanyang kalusugan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong Biyernes, tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resignation ni Avisado. Itinalaga naman si Undersecretary Tina Rose Marie Canda bilang officer-in-charge ng DBM.
Matatandaang si Avisado ay naka-medical leave matapos ang pakikipaglaban nito sa sakit na COVID-19 bago pa ang kanyang pagbibitiw. Sa isang pahayag noong Hulyo 31, ayon sa DBM, si Avisado ay naospital ng walong araw at naka-quarantine ng mahigit na isang buwan dahil sa Coronavirus.
Binanggit din ng ahensiya na 14 na taon na ang nakalipas mula nang sumailalim si Avisado sa isang quadruple open heart bypass. Si Avisado ay dating Davao City administrator sa panahong mayor pa si Pangulong Duterte at nakasama sa Cabinet noong Agosto, 2019.