ni Gerard Arce @Sports | June 20, 2024
Nakahanda nang lisanin ni two-time undisputed champion Naoya “Monster” Inoue ang super-bantamweight division upang umakyat sa mas mabigat na featherweight class sa 2025, na siya ring magbibigay ng malaking pagkakataon sa mga Filipino boxers na puntiryahin ang isa sa apat na titulong mababakante.
Inanunsiyo ni Top Rank head Bob Arum na nakatakdang iwan ng 4-division World titlist ang junior-featherweight upang pumasok sa matitigas na 126-pound boxers na kinabibilangan ng mga Mehikanong boksingerong kampeon na sina unbeaten World Boxing Organization Rafael Espinoza, International Boxing Federation (IBF) titlist Luis Alberto Lopez at World Boxing Council (WBC) title belt holder Rey Vargas at interim titlist Brandon Figueroa, gayundin si World Boxing Association (WBA) champ Nick Ball ng United Kingdom.
Nasambit ni Arum ang naturang pahayag matapos nitong ipagwalam-bahala ang pag-uutos ng WBA na labanan ni Inoue ang mandatory challenger na si dating unified champion Murodjon “MJ” Akhmadaliev ng Uzbekistan at nakahandang bitawan ng Japanese slugger ang titulo, dahil nakatutok ang atensyon ng boksingero sa dalawang title defense kina TJ Doheny sa Set. 9 sa Tokyo, Japan at Sam Goodman sa Disyembre.
“[Doheny] has become a big, big draw over there, and that matters. Look at what Luis Nery did as the bad boy [following a positive PED test], helping sell out the Tokyo Dome,” wika ni Arum, na minsan ng naihayag ang planong laban kay Doheny na umakyat sa ring matapos ang pagpapabagsak ni Inoue kay Nery.
Dahil sa naturang pahayag ng American promoter, mas lumaki ang tsansa ng Pinoy boxers na kinabibilangan nina dating unified champion Marlon “Nightmare” Tapales, rising star Carl Jammes “Wonderboy” Martin at kontrobersyal na three-division World titlist John Riel “Quadro Alas” Casimero.