ni Gerard Arce @Sports | April 22, 2023
Puspusan sa pagsasanay at nalalapit ng makuha ang inaasam na kondisyon ni reigning at defending World Boxing Organization (WBO) minimumweight champion Melvin “Gringo” Jerusalem bilang preparasyon sa kanyang nalalapit na laban kontra undefeated Puerto Rican Oscar “El Pupilo” Collazo sa Mayo 27 sa California sa Estados Unidos.
Puspusang nagsasanay si Jerusalem (20-2, 12KOs) sa Zip Boxing Gym sa Banawa, Cebu City kasama ang kanyang head coach na si Michael Domingo, kasamang nag-sparring sina reigning Oriental and Pacific Boxing Federation light-flyweight titlist Joey Canoy at utol ni dating World challenger Jeo “Santino” Santisima na si Gabriel.
Inilahad ni Domingo ang ginawang pagsasanay ng kanilang koponan sa Japan, kung saan naka-ensayo nila sina amateur boxer Kiyoto Narukami at dating WBO world light-flyweight at flyweight champion Kosei Tanaka nitong nagdaang Marso.
“So far so good naman yung training niya and nasa 70-80% na rin kami sa nagagawa naming sparring,” pahayag ni Domingo, na dating may tangan ng WBO oriental bantamweight title at national champion. “Mga three weeks pa kami dito sa Cebu, tapos babalik ulit kami ng Japan para sa aming one-month training.”
Pinag-aaralan ring lumipad ang mga ito patungong Estados Unidos upang makapagsanay kasama sina world title challenger Jade Bornea at dating long-time IBF super-flyweight titlist Jerwin “Pretty Boy” Ancajas.
Ang 29-anyos mula Manolo Fortich, Bukidnon ang naging kauna-unahang Filipino na kampeon ngayong taon matapos tapusin ang halos anim na buwang pagkabokya ng Pilipinas sa boxing World title ng patumbahin si Japanese boxer Masataka Taniguchi nung Enero 6 sa bisa ng second round TKO sa EDION Arena, Osaka Prefectural Gymnasium sa Osaka, Japan.