top of page
Search

ni GA @Sports | November 24, 2023




Tila maiiwan sa ere ang nag-iisang eight-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao sa mga nakalinya at planong sabakan na laban sa Disyembre at sa susunod na taon matapos magkaroon ng kanya-kanyang naunang upakan ang mga inaasahang makakasagupa sa mga nakatakdang bakbakan.

Muling lumabo ang inaantabayanang rematch kontra kay undefeated-retired at five-division World titlist Floyd “Money” Mayweather matapos nitong ianunsyo ang pagkakaroon ng laban muli kay John Gotti III imbes sa nilulutong mega-bout fight kay Pacman, na kinumpirma mismo ng Filipino boxing legend na susubukang maganap ngayong Disyembre.

Nauna ng sinabi ng 44-anyos na future boxing Hall of Famer na nakikipag-usap na ang parehong panig para sa itinutulak na exhibition match sa bansang Japan matapos itong makapanayam ng international media sa Saudi Arabia sa laban nina Tyson Fury at Francis Ngannou.

Maging ang boxing program na Showtime ay inilahad ang malaking intensyon na hawakan ang laban nina Pacquiao at Mayweather bilang panghuling programang ipapalabas sa ere sa Estados Unidos.

Kicking Off Super Bowl Weekend – unfinished Business. See You Guys In Las Vegas. More Details Coming Soon!” saad ni Mayweather sa kanyang Instagram post na nagpapahayag ng kanilang rematch, kung saan nagtapos No Contest ang laban nitong Hunyo 11 sa FLA Live Arena sa Sunrise, Florida matapos magkagulo ang bawat panig na nauwi sa malawakang awayan na nagtamo ng ilang injury sa marami.

Nangangamba namang maudlot ang tinatayang $25 million na banatan kay muay thai at kickboxing legend Buakaw Banchamek sa Enero sa Thailand dahil sa nakatakdang laban nito sa Rajadamnern Stadium sa Bangkok sa Disyembre 2 bilang parte ng event na RWS: Legend of Rajadamnern Muay Thai Series, habang katatapos lang nitong makipagbasagan ng mukha kay Saenchai nitong Nobyembre 4 sa bareknuckle bout.

 
 

ni GA @Sports | October 23, 2023




Nakahandang tapusin ni Filipino unified super-bantamweight champion Marlon “Nightmare” Tapales ang paghahari at pananalasa ng tinaguriang “The Monster” na si Naoya Inoue, na may hawak din ng 2 titulo sa 122-pounds division para sa inaabangang undisputed championship sa Dis. 26 sa Tokyo, Japan.

Hawak ng 2-time division champion na si Tapales ang WBA at IBG junior featherweight titles na puspos ang pagsasanay upang maging kauna-unahang Filipino na nagwagi ng undisputed titles na hindi naisakatuparan ng mga legendary Pinoy boxers na sina 8th-division World titlist Manny “Pacman” Pacquiao, Nonito “Filipino Flash” Donaire at Donnie “Ahas” Nietes.

Plano ng 31-anyos mula Kapatagan, Lanao del Norte na magsilbing isang matinding ‘bangungot’ sa laban kay Inoue upang tapusin ang mahabang winning streak nito, gayundin ang pagtapos sa maraming Pinoy boxers na kanyang pinadapa at pinasuko.

I will be the Japanese Monster’s biggest nightmare this coming December at his own hometown,” pahayag ni Tapales sa panayam ng BoxingScene.com kasunod ng ipinarating na salita sa kanyang co-promoter na MP Promotions. “So glad my everyday training always goes smoothly. My condition looks good, as well as my stamina, durability, punching power and quickness. By December during the fight night, I will be better than ever. I will be ready to be Inoue’s worst nightmare.”

Nananatiling walang talo si Tapales (37-3, 19KOs) sa kanyang apat na laban sa bansang Japan ng pabagsakin nito si Shohei Omori sa 11th round nang bakantehin ang WBO bantamweight title noong Abril 23, 2017 sa Osaka, Japan, habang naunang beses nitong pinasuko si Omori sa Shimazu Arena sa bisa ng 2nd round TKO noong Dis. 16, 2015. Gayundin ang mga panalo kina Hayato Kimura sa 5th round noong Abril 2014 at Ruben Manakane sa 4th round TKO noong Mayo 2013.




 
 

ni GA @Sports | October 19, 2023




May namumuong espekulasyon at nilulutong malaking bakbakan sa bansang Japan na tila masasaksihan ang pinaka-aabangang rematch sa pagitan nina undefeated Floyd “Money” Mayweather at nag-iisang 8th-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao para sa isang tinitingnang exhibition match sa bisperas ng Bagong Taon.

Wala pang pinal o pormal na anunsiyo ang magkabilang panig patungkol sa inaantabayanang “May-Pac2” subalit may lumabas na isang promotional poster na nagpapakita ng rematch ng dalawa, kung saan matatandaang sumelyo ng one-fight kontrata ang 44-anyos na Filipino boxing legend sa RIZIN Promotions para lumaban umano sa isang mixed martial arts fighter na kayang lumaban at dumepensa sa kanyang mga atake.

Minsan na ring lumaban sa ilalim ng RIZIN si Mayweather laban sa kickboxing fighter na si Tenshin Nasukawa na nagtapos lang sa first round at mag-uwi ng tumataginting na $10 million para sa three-round exhibition bout noong Dis. 31, 2018 sa Saitama Super Arena sa Tokyo, Japan, na naging panimula ng nagdaang limang exhibition bout ni Mayweather sapul nang magretiro ito sa pamamagitan ng 50-0 kartada sa professional boxing.

Sakaling maganap ang laban, inaasahang malaking pera ang lulustayin ng RIZIN promotions sa pagpapasweldo kina Mayweather at Pacquiao, at maging ang pay-per-view nito ay magiging madugo dahil sa pakikipagsanib puwersa umano sa iba pang network company.

Minsan ng nagtapat sina Mayweather at Pacquiao na tinawag na “Fight of the Century” at “Battle for Greatness” noong Mayo 2, 2015 na nagresulta sa 12-round unanimous decision panalo sa American boxer at mapanatili ang WBA (unified), WBC, The Ring welterweight title at maagaw ang WBO belt na ginanap sa sold-out MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page