ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 18, 2021
Isasailalim ang Borongan City, Eastern Samar sa modified enhanced community quarantine (MECQ) sa loob ng dalawang linggo simula ngayong araw, January 18, dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19.
Sa nilagdaang Executive Order No. 001-0121 ni Borongan City Mayor Jose Ivan Agda, nakasaad na kabilang sa mga high risk areas ang naturang lugar.
Saad din sa naturang order, “Only essential travels will be allowed in going to and from the city and the poblacion area.”
Kabilang umano sa mga itinuturing na essential travels ay ang “work purposes whether in the government or private; medical and health emergencies; and travel for the purpose of purchasing foods and medicines subject to reasonable limitations as herein provided.”
Mahigpit ding ipinagbabawal ang lahat ng uri ng mass gatherings kabilang na ang religious activities, at magpapatupad din ng 8 PM hanggang 5 AM na curfew.
Bawal ding lumabas ang mga edad 21 pababa at 60 pataas maliban kung kinakailangang bumili ng mga essential goods.
Bawal din ang dine-in sa mga restaurants at kasabay ng MECQ ay ipapatupad din umano ang liquor ban.
Samantala, ang mga indibidwal na lalabag sa naturang Executive Order ay maaaring magmulta ng halagang P3,000 hanggang P5,000 at pagkakakulong ng hindi lalagpas sa 30 araw.
Sa mga establisimyento namang lalabag, maaaring magmulta ng P5,000 sa first offense at P5,000 din sa second offense kasabay ng “revocation of business permit.”