ni Lolet Abania | April 18, 2022
Ipinahayag ng Department of Tourism (DOT) ngayong Lunes na umaasa sila sa mga awtoridad na mareresolbahan ang umano’y paglabag sa Boracay Island kung saan lumagpas ito sa nararapat na kapasidad matapos na mahigit sa 20,000 turista ang bumisita sa naturang tourist destination noong Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Ayon sa DOT, inabisuhan na nila ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay sa isyu at hinimok na magsagawa ng nararapat na aksiyon ang mga ahensiya upang maiwasan ang katulad na insidente na muling mangyari.
“We continue our coordination with them, especially the DILG, which has jurisdiction over the LGU (local government unit), to address this concern and prevent similar incidents from happening in the future,” saad ng DOT.
Nang matapos ang rehabilitasyon ng Boracay, inirekomenda lamang sa 19,215 ang daily limit ng mga turista para maiwasan ang over-tourism at maprotektahan pa ang isla.
Subalit, ayon sa report ng Malay Tourism Office sa DOT, ang bilang ng mga turista sa isla ay umabot sa 21, 252 noong Abril 14 habang 22,519 noong Abril 15, na mas mataas sa daily limit nito.
“Gusto natin malaman sa ating mayor at sa ating governor, bakit nila pinayagan ito. Hindi ito by air dahil ang by air, talagang limited number of [travelers] dumating by air. This is all by land. We are waiting now for the mayor because he is answerable to this,” sabi ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat.
“Maling-mali kasi may pandemic pa,” dagdag ng opisyal.
Sinabi pa ng DOT na kahit unti-unti nang nakababawi ang industriya mula sa pandemya dapat pa ring tandaan na kailangang ipatupad ang mga health at safety protocols.
“Kailangan natin, maintindihan nating lahat na we are in the midst of a pandemic. Gusto natin magkatrabaho lahat pero hindi i-compromise ang health and safety,” giit pa ni Puyat.
Sa ngayon, wala pang pahayag si DILG Secretary Eduardo Año hinggil sa nasabing isyu.