ni Chit Luna | December 7, 2021
Hinimok ni retired Chief Justice Artemio Panganiban ang Comelec 2nd Division na agarang resolbahin ang mga petisyon laban sa kandidatura ni presidential aspirant at dating Senador Bongbong Marcos lalo’t maaari itong makarating hanggang Korte Suprema.
Dalawa sa pitong petisyon na ito ang humihiling sa poll body na ibasura ang certificate of candidacy ni Marcos habang ang isa ay nais siyang ipadeklarang nuisance candidate.
Ang ikaapat naman ay inihain ng grupo ng mga biktima ng human rights violations noong Martial Law at iginiit na convicted ang dating senador dahil sa kabiguan umanong magbayad ng income tax returns mula 1982 hanggang 1985.
Ipinunto ni Panganiban na iba ang petisyong inihain upang kanselahin ang certificate of candidacy ni Marcos sa mga mas bagong petisyon na inihain naman para ipa-diskuwalipika siya sa 2022 presidential election.
Nilinaw ng dating Punong Mahistrado na ang disqualification ay maaari lamang i-file laban sa isang kandidato na nakagawa ng election offenses sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Hindi katulad ng cancellation ng CoC, pinapayagan sa disqualification na magkaroon ng substitution, ng isa pang kandidato mula sa isa pang political party na may kahalintulad na apelyido.
Sakali aniyang kanselahin ang CoC ni Marcos ay hindi na maaaring magkaroon ng substitution dahil mangangahulugan itong hindi kailanman umiral ang CoC.
Dahil dito, hindi mabibilang ang mga boto para kay Marcos at ang kandidatong may susunod na mataas na bilang ng boto ang idedeklarang panalo.