ni Jasmin Joy Evangelista | February 15, 2022
Nanindigan si Most Rev. Teodoro Bacani, spiritual adviser ng El Shaddai, na hindi nila sinusuportahan ang pag-endorso ni El Shaddai leader Bro. Mike Velarde kay presidential candidate Bongbong Marcos Jr. at vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte.
“Yung endorsement na yun ay hindi endorsement ng buong El Shaddai. Ito po ay personal endorsement ni Bro. Mike Velarde. Si Bro. Mike Velarde po ang founder at servant leader ng El Shaddai ngunit hindi siya ang El Shaddai DWXI Partners Fellowship International Incorporated. Ito po ay mas malawak at mas malaki sa kanya,” pahayag ni Bacani sa isang Facebook video nitong Lunes, Pebrero 14.
Ayon pa rito, mali umano na iendorso si Marcos
"Gusto kong sabihin rin, tignan nyo si Bongbong Marcos ay naghahanap daw ng pagkakaisa ngunit ni hindi pinagsisisihan at ng kanyang pamilya hindi pinagsisisihan ang kanilang ginawa noong nakaraang martial law at yung pandarambong na naganap noon na hindi maipagkakaila," ani Bacani.
"Bilyon ang mga nadambong noong panahon na yun, hindi lamang milyon at marami nang nakuhang muli ang gobyerno kaya mali po 'yun," dagdag niya.
Ayon pa kay Bishop Bacani, hindi umano kinonsulta ni Velarde ang mga elders maging ang ilang pinuno ng religious group.
“At sa kanya pong pag-endorso kay BBM, hindi po nya kinonsulta ang mga elders. Hindi rin niya kinonsulta si Bishop Jess Mercado, na bishop ng Paranaque na sumasakop sa spiritual center ng El Shaddai. ‘Di niya kinunsulta si Sonny de Claro, spiritual director ng El Shaddai. Hindi niya ako kinonsulta, spiritual adviser ng El Shaddai. Kaya po yun ay personal endorsement niya,” paglilinaw niya.
“Kanya, sa lahat ng mga kasapi ng El Shaddai, malaya kayong pumili ng inyong gustong piliin para Presidente.”
Wala pang pahayag si Velarde at ang kampo ni BBM hinggil dito.