ni Jasmin Joy Evangelista | March 9, 2022
Ilan sa mga dumalo sa campaign rally ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Sta. Maria, Bulacan ang umakyat sa stage upang ianunsiyo ang nawalang cellphone at wallet at nakiusap na maibalik ang mga ito.
Matapos ang rally noong Martes ng hapon, umakyat ang isang lalaki sa stage at nakiusap na maibalik ang kanyang cellphone.
"Parang awa niyo na po, pakisauli na lang po, babayaran ko po. Please lang po," pakiusap ng lalaki.
Umakyat din sa stage ang isang overseas Filipino worker upang ipanawagan ang Nawala niyang wallet. Sinabi nito na kailangan niya ang mga identification card na laman nito at ayos lang kahit hindi maibalik ang laman nitong pera.
"Hello po, sino po nakakita ng wallet? May OFW ID po 'yun, pakisauli na lang po... Kailangang-kailangan ko po 'yun, kahit hindi na sauli 'yung pera," aniya.
Sa ngayon ay wala pang pahayag ang kampo ni BBM hinggil sa insidente.