ni Angela Fernando @News | Dec. 16, 2024
Photo: Sen. Imee Marcos at Pangulong Bongbong Marcos - FB
Nanawagan si Senadora Imee Marcos sa kanyang kapatid na si Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na magsagawa ng masusing pagsusuri sa panukalang pambansang badyet para sa 2025 na inaprubahan ng Kongreso.
Ayon kay Sen. Marcos, may ilang probisyon sa pinal na bersyon ng General Appropriations Bill (GAB) para sa 2025 na kailangang linawin, kabilang na ang kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP, ang kawalan ng suporta para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at ang pagtaas ng badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa P1.1-trilyon.
"Ang akin na lang ngayon, nananawagan na lang ako sa aking kapatid. Kung mahina ang boses ko na mag-isa, ngayon nawa marinig na sama-samang sumama ang ating taumbayan...I-line by line niya.
Nasa kanya na lamang pag-asa na hindi tanggalin 'yung mahahalaga," saad ni Sen. Imee.
Inihayag ni Senadora Imee Marcos na hindi niya nilagdaan ang bicameral conference committee report na naglalaman ng pinal na bersyon ng pambansang badyet para sa 2025.
Ikinadismaya rin ni Marcos ang pagbabawas ng pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), habang bilyon naman ang inilaan para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Ang AKAP ay bagong programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na layong tulungan ang mga "near-poor" na sambahayan.