ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Oct. 15, 2024
Pinangunahan natin noong nakaraang Linggo, Okt. 13, 2024, ang pagdaraos ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF): Paglinang sa Industriya ng Paglikha sa Philippine Sports Arena sa Pasig City kung saan mahigit sa 13,000 na mga manggagawa sa industriya ng radyo, telebisyon, at pelikula ang direkta nating nabigyan ng tulong mula sa pamahalaan.
Ang BPSF ay ang pinakamalaking convergence caravan sa bansa kung saan lagpas 60 mga ahensya ng pamahalaan ang nagsasama-sama upang makapaghatid ng lagpas 400 programa at serbisyo ng gobyerno.
Natutuwa ako na magkakasama kami sa makasaysayang programa na ito hatid ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos at ni Speaker Martin Romualdez, kung saan hindi na ang taumbayan ang kailangang kumatok sa gobyerno dahil ang gobyerno na mismo ang lumalapit sa tao. At sa aking ngang pagsama sa BPSF sa pag-ikot nito sa buong Pilipinas, sa bawat lugar na puntahan namin, kitang-kita ang tuwa, saya, at ligaya ng ating mga mamamayan.
Mas ikinagagalak ko lang lalo dahil ang mga kaharap ko ngayon ay ang mga taong malapit na malapit sa puso ko — ang mga kasamahan kong manggagawa sa industriya ng radyo, telebisyon, at pelikula.
Ako mismo ang nanguna sa pagbubukas ng BPSF na ako rin ang nagbigay ng pangunahing talumpati, kung saan binigyan natin ng pagkilala ang iba pa nating kasamahan sa naturang okasyon katulad nina Pasig City Mayor Vico Sotto, at si Cong. Roman Romulo na nakatuwang natin sa pagpasa ng Kabalikat sa Pagtuturo (KaP) Act.
Binigyang-pugay din natin ang mga kinatawan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na si Dir. Jose Javier Reyes at ng MOWELFUND Film Institute na si Ms. Boots Anson Roa-Rodrigo.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon lamang nakaranas ng ganito ang industriya. Tinipon natin ang mahigit 13,000 kasamahan natin sa industriya para matulungan ng BPSF at ng pamahalaan. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga creatives, writers, crew, stuntmen, cameramen, mga announcer, at iba pang mga manggagawa, makakatanggap ng direktang suporta mula sa gobyerno.
Alam naman ng marami nating kababayan na sa industriyang ito ako nagmula bilang isang artista bago pa man ako pumalaot sa larangan ng paglilingkod-bayan.
Lagi ko ngang sinasabi, hindi ako magiging si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. kung hindi dahil sa industriya ng pelikula, telebisyon, at radyo na kumupkop sa‘kin at naghubog upang ako ay maging artista, na naging daan para ako ay makilala at pagkatiwalaan ng sambayanan upang paglingkuran sila.
Kahit kailan ay hindi ko ikakaila – parte ako ng industriyang ito, at kahit kailanman ay hindi ko pababayaan ang sektor na aking pinagmulan.
Kaya ibang kasiyahan ang aking nararamdaman na ang mga kapatid ko naman sa industriya ang aking nabigyan ng pagkakataong tumanggap ng tulong katuwang ang BPSF.
Matagal ko nang iniisip kung paano matutulungan ang mga kasamahan ko sa industriya ng showbiz at nagpapasalamat ako kay PBBM dahil nagkaroon na ito ng katuparan.
Isa sa nakakaligtaang sektor ang showbiz industry at hindi alam ng marami na napakaraming manggagawa sa likod ng kamera ang nangangailangan din ng tulong at suporta.
Sana lang hindi ito ang una at huli, at sisikapin nating muling maulit ang pamamahaging ito ng tulong sa mga manggagawa sa industriya, maging sa telebisyon man o pelikula.
Lalo pa at alam naman nating halos ngayon lang uli nagkaroon ng trabaho ang ilan sa kanila dahil sa nagdaang pandemya.
Kaya napapanahon talaga ang ayudang ito na marahil ay iniisip ng ilang kasamahan natin sa showbiz na nalimutan natin sila, hindi dahil araw at gabi ay palagi ko kayong naaalala.
Salamat sa langit at nagkaroon na ito ng katuparan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com