top of page
Search

ni Julie Bonifacio @Winner | Jan. 24, 2025



Photo: Bong Revilla Jr. FB, IG


Nabuhay na naman ang dugo ng mga bashers ni Sen. Ramon “Bong” Revilla  Jr. sa pag-aapruba na gamitin ang pangalang ‘Bong Revilla’ sa kanyang pagtakbo sa May election.


Ayon sa abogado ni Sen. Bong na si Atty. George Garcia, inaprubahan daw ng Cavite Regional Trial Court Branch 19 ang paggamit as registered family name ng re-electionist senator sa pangalang Bong Revilla noong 2009.


“It is perfectly legal,” sabi pa ng lawyer ni Sen. Bong. 


Ipinag-react pa ng mga netizens ang rason na nabasa nila na lumabas sa X kahapon.

“So that he will be on top of the alphabetical list of senatorial candidates in the ballots,” ang dahilan kaya raw nagpalit ng apelyido si Sen. Bong.


Nasa number 11 na ang pangalan ni Sen. Bong sa listahan ng senatorial candidates ng Comelec.


Palag ng netizen, “Walang hiya ang Comelec. Ginawang apelyido ni Bong Revilla ang “Bong” para lang maiangat ang numero niya sa listahan ng mga kandidato sa balota upang madali itong makita ng mga botante. This must be questioned!”


“Ta** ina. 2009 pa lang naging opisyal na apelyido na pala ni Bong Revilla ang ‘BONG REVILLA’”


Aniya, “But the fact here is that this should not have been approved in the first place. It is clearly political and unfair to the electoral process, and to other candidates.


Pero may mga nagdepensa naman kay Sen. Bong, “Sir, korte po yata nag-decide nito, at hindi Comelec.


“To be fair, sumusunod lang ‘yung Comelec.”

“1998 pa legally na-change ang name ni Bong Revilla so bakit issue ito bigla? Mema lang.” 


Kinorek naman ng isang netizen ang 1998 to 2009.


Samantala, ayaw nang patulan ng kampo ni Sen. Bong ang pamba-bash sa kanya dahil halata naman daw naghahanap lang ng butas ang iba lalo’t palapit na ang eleksiyon.

Jose Mari Bautista ang totoong pangalan ni Sen. Bong kaya kung ito ang kanyang gagamitin, mas malapit sana ang numero niya sa balota.


Pero matagal na niyang ginagamit ang “Bong Revilla” as screen name at ito rin ang ginamit ng kanyang namayapang ama na si Sen. Ramon Revilla, Jr..


Nagpapasalamat na lang si Sen. Bong dahil ramdam niya ang suporta ng mga taong sumasalubong sa kanya sa lahat ng mga napupuntahan niya.


 

Masyado raw kasing prangka…

ARNELL, AMINADONG TALO ‘PAG KUMANDIDATO 


Nagtataka si OWWA Administrator Arnell Ignacio sa balitang tatakbo siya sa May elections this year. Marami kasi ang pumupuri sa trabaho niya sa government office for the past eight years.  


Sa ginanap na mediacon ng Timeless… Music & Laughter (TM&L) post-Valentine dinner concert sa Century Park Hotel last Wednesday, nagsalita na si Arnell tungkol sa nababalitang pagtakbo niya sa nalalapit na halalan.  


Pahayag ni Arnell, “Alam mo, ang daming nagtatanong sa ‘kin n’yan pero wala sa isip ko ‘yun. Akala lang nila na I’m really working so hard dahil meron akong ibang pakay. Eh, wala.  

“Eh, working hard is my nature. ‘Yun ang libangan ko. Saka ang position, ganyan kalaki ang responsibilidad. Destiny ‘yan. Kahit ano pa’ng gawin mo, magtitiwarik ka’t lahat, ibigay sa ‘yo lahat ng resources, ‘pag ‘di ibinigay sa ‘yo, hindi sa ‘yo.”  


Matagal na rin naman since huling nag-run si Arnell for a public position.  

“Flop naman ako,” seryosong biro ni Arnell. 


Sey niya, “Saka hindi, ‘yun naman, nahatak lang naman ako doon. Ang tagal-tagal na noon.”  


Na-traumatize ba siya sa huli niyang pagtakbo for public office?  

Sagot niya, “No, not at all. Masyado lang ano, ‘yung ugali ko lang kasi, masyado akong frank. Hahaha!”  


Nature na yata ni Arnell na ‘pag may nagyaya sa kanya, ang dali niyang hatakin gaya na lang sa back-to-back concert niya with The New Minstrels Fifth Generation.  


“Bigla na lang akong may tiket, ‘di ba? Hahaha! Eh, pero ano, eh, the best will all come out of arrangements like this. And ano ‘to, eh, palagay ko, this will be more of a reunion of very, very good friends.  


“Pero teka, dito ako ninenerbiyos—kasama ko ang The New Minstrels. Ang gagaling ng mga ‘to, ‘di ba? O, fifth generation ng The New Minstrels ang makakasama ko. Ang inabutan ko ata, first. Hahaha! Kaya ‘yung mga hinahanap ko, wala na,” saad ni Arnell.  


Ilan sa 5th generation ng The New Minstrels na makakasama ni Arnell sa TM&L sina Atty. Rene Puno, Alynna, at Chad Borja.  


Si Atty. Rene ay isang soulful crooner at si Alynna naman ang Sensual Siren of Songs.  

Si Chad needs no further introduction kasi sumikat talaga siya during his time through his classic song na rin na maituturing, ang Ikaw Lang


Ipapakilala naman sa TM&L ang mga komedyante na bumubuo sa ‘Kabaong Gang’ na sina Fumi, Bernie Batin, Leo Bruno, at Janna Trias, plus, a performance like no other from Ms. Christi Fider.  


Gaganapin ang Timeless… Music & Laughter sa Grand Ballroom ng Century Park Hotel sa Manila on February 15, Saturday. Dinner at 6 PM, this is produced by movie actress and producer Ms. Liz Alindogan.

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Jan. 24, 2025



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Medyo mainit ang usapin ukol sa nilalaman ng isinumite na Senate Bill No. 1979 o Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2023. 


Ito ay ipinanukala sa Senado bilang pagtugon sa patuloy na tumataas na numero ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan. Kung matatandaan, tayo ay naghain ng Senate Bill No. 1209 at kapansin-pansin na may mga probisyon sa SBN 1979 na hindi naman nilalaman ng SBN 1209.


Noong 2018 ay nag-report ang Civil Registration at ang Vital Statistics System ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot na sa 183,967 ang mga kabataang nabubuntis mula sa edad 10 hanggang 19. Sa madaling salita ay 495 na kabataang Pilipino kada araw ang nabubuntis sa nasabing edad. 


Noong 2019, mismong ang National Economic and Development Authority (NEDA) na ang nagsabi na dahil sa hindi na makontrol na pagtaas ng adolescent birth rates, ito ay naging isa nang national concern. 


Walang pagtatalo na marapat lamang na pagtibayin ang proteksyon sa mga kabataan. Tinagurian nga natin silang pag-asa ng bayan, kung kaya’t malinaw na nakasalalay sa maayos nilang kinabukasan ang kapalaran ng ating bansa.


Ayon sa isang medical journal, ang adolescent mothers ay nanganganib dahil sa mas mataas na posibilidad na magkaroon ng komplikasyon sa pagbubuntis. Dala na rin ng kanilang kamusmusan at hindi pa ganap na pagma-mature sa pisikal, emotional at sikolohikal na aspeto, nae-expose sila sa iba’t ibang mga banta sa kanilang buhay at kalusugan.


Tinatayang ang adolescent pregnancies ay isa rin sa maraming sanhi ng paglaganap ng kahirapan. Sa personal na lebel, dahil sa maagang pagbubuntis, karamihan sa kanila ay napipilitang tumigil sa pag-aaral. At sa mas malaking aspeto, naapektuhan ang kanilang potensyal na magtrabaho, kumita at mag-ambag sa paglago ng ekonomiya ng bayan. 


Ayon nga sa National Demographic Health Survey dahil sa 9% ng babaeng Pinoy na may edad 10 hanggang 19 ay nagkaanak na. At tinatayang nasa P24 bilyon hanggang P42 bilyon ang halaga ng potensyal na kitang pangkabuhayan ang nawawala sa ating pambansang kita dahil lamang sa maagang pagbubuntis. Dahil dito, lumalabas sa parehas na survey na ang mga batang maagang nabubuntis ay nabibilang sa 20% ng mahihirap nating kababayan. 


Sa tamang paghubog sa kaisipan at karunungan ng ating mga kabataan, at sa tulung-tulong na paggabay ng estado at mga magulang, umaasa tayo na sa katagalan, posible rin naman nitong matugunan ang lumalalang problema ng mga batang nangre-rape sa kapwa nila bata. 


Nakasaad sa panukalang batas na aking inihain, ang pagbubuo ng Adolescent Pregnancy Prevention Council na gagawa ng isang evidenced-based program na sama-samang sisikapin ng mga kaugnay na national agencies, non-government organizations, at civil society organizations. 


Ang programang ito ay bibigyang prayoridad ng Philippine Population Management Program of the Population Commission (POPCOM). Lahat ng desisyon hinggil dito ay ikokonsulta sa mga iba’t ibang grupo — pribado at pampubliko — na pabor sa kinabukasan ng mga kabataan. 


Nilalayon din ng panukalang batas ang pagkakaroon ng health services, residential care, education, training and skills development, at livelihood programs na dapat ay isagawa ng mga lokal na pamahalaan para sa mga adolescent parents. Para sa mga musmos na mga ina at ama na, at para na rin sa kanilang mga supling, hangad din ng batas na matugunan ang kanilang mga pangangailangan lalo na sa aspeto ng kanilang kalusugan.


Sabi ko nga sa aking pahayag, hindi rin naman talaga tayo papayag na malulusutan ‘yan ng mga probisyong taliwas o lagpas na sa mga orihinal na intensyon ng panukala. At makakaasa ang ating mga kababayan na kasama nila tayong magmamatyag dito. 


Aksyon na! Panahon na upang wakasan ang hindi sinasadyang pagbubuntis ng mga bata dahil lamang sa kakulangan nila ng kaalaman tungkol sa ganitong usapin. 


Proteksyon laban sa kahalayan at kalaswaan ng ating mga kabataan. ‘Yan lamang ang ating nagkakaisang hangad.


Anak ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Jan. 3, 2025



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Maagang sinalubong nina Tolome at ng buong cast ng pinakabagong Season ng ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ ang Pasko sa pilot episode nito tatlong araw bago ang December 25 noong nakaraang taon.


At ano pa nga ba ang mas magandang panimula ng Kapaskuhan kundi ang pagbabalik ng paboritong comedy-action sitcom ng bayan sa Season 3 nito! Muli tayong tinutukan at pinatawa ni Tolome sa kanyang makulit, ngunit makabuluhang kuwento na swak na swak sa panlasang Pinoy at tema ng Pasko: ang pagtulong at pagmamalasakit sa kapwa.  


Ang unang episode ay tila mainit na yakap para sa bawat Pilipinong naghahanap ng pag-asa sa panahon ng Kapaskuhan. Sa gitna ng kanyang action-packed na buhay bilang pulis, ipinakita ni Tolome ang tunay na kahulugan ng Pasko — ang pagkilos para sa ikabubuti ng lahat, lalo na para sa pamilya. Sa kabila ng mga kalokohan at katatawanan, tumitimo ang mga aral tungkol sa pagiging responsable, mapagmahal, at pagiging laging handang tumulong sa kapwa.  


Ang bawat eksena ay nag-uumapaw sa kuwentong relatable sa tipikal na pamilyang Pilipino. Sino ba ang hindi makaka-relate kay Tolome — na sa kabila ng gulo at hamon sa kanyang tungkulin bilang alagad ng batas, ay laging inuuna ang pamilya? Isang paalala ito na sa dulo ng bawat araw, ang pamilya ang ating lakas at inspirasyon.


Siguradong maraming manonood ang nagnanais na maging tulad niya — mapagmahal na asawa, masayahing ama, at matapat na tagapaglingkod ng bayan.  


Ang pagkakahabi ng bagong season ay hindi lamang puro tawa; tiyak na bawat episode ay mag-iiwan ng inspirasyon at aral para sa mga nanonood. Sa bawat problema ni Tolome at sa paraan ng kanyang paglutas nito, nadadala tayo sa kuwento ng ating buhay — simpleng mga Pilipino na sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, ay patuloy na lumalaban para sa tama.  


Sa ating mga Kapuso, ito pa lang ang simula! Iba pa rin talaga ang hatid ng ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis - Season 3 sa ating mga weekends! Tunay ngang ang kuwento ni Tolome ay tumatawid sa saya, aksyon, at puso. Kaya abangan natin ang mga susunod na episodes na tiyak na magpapasigla sa ating mga Sunday.  


Para sa mga naghahanap ng kasiyahan at inspirasyon tuwing Linggo, samahan natin si Tolome at ang kanyang pamilya sa kanilang makulay na buhay. Isang masayang panonood at pagsasama-sama para sa buong pamilya — dahil walang tatalo sa kuwentong puno ng tawa, aral, at pagmamahalan!  


Aabangan ka namin bago harapin ang aming mga Lunes, Tolome! ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ — mapapanood tuwing Linggo, only on GMA! 


Mabuhay ang mga sitcoms na nagbibigay saya sa ating lahat! 


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page