ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 23, 2021
Nakapagpapababa ng blood pressure, cholesterol levels, triglyceride levels, nakababawas ng kalungkutan, nakakatulong upang magkaroon ng oprtunidad na mag-ehersisyo at nagbibigay-oportunidad din para sa pakikisalamuha sa kapwa.
Ilan lang ito sa positibong epekto kung ang tao ay may alagang hayop depende sa kanyang hilig na ayon sa mga eksperto ay karagdagang dalawang taon umano ang mabuting dulot nito sa buhay ng tao.
Mahalaga umano sa tao na bukod sa paghahanapbuhay o anumang pang-araw-araw na ginagawa ay may iba pa siyang pinagkakaabalahan tulad ng pagiging aktibo sa relihiyon, regular na pag-eehersisyo at iba pang aktibidad na magbibigay-kagaanan sa kanyang pakiramdam.
Ang lahat umano ng aktibidades na nakapagbibigay-kaligayahan sa bawat indibidwal ay nakapagpapahaba ng buhay at nananatiling malusog ang kaisipan at pangangatawan ayon mismo sa pahayag ng Mental Health Foundation.
Magkakaiba umano ang klase ng alagang hayop ang nakapagbibigay kasiyahan sa inibidwal depende sa kanyang hilig o klase ng pamumuhay, halimbawa na mayroong mahilig mag-alaga ng isda dahil nakakatanggal umano ito ng stress sa tuwing pinagmamasdan nilang lumalangoy.
Sa mga mahilig mag-alaga ng isda ay hindi nila alintana ang hirap ng regular na paglilinis ng aquarium dahil mas inaagaw ang kanilang interest na makitang nasa mabuting kalagayan ang alaga nilang isda.
Meron g sobra ang hilig sa pag-aalaga ng sasabunging manok na kahit madalas namamatayan ng alagang manok dahil natalo sa sabong ay hindi sila apektado na muling mag-alaga dahil ibang kasiyahan umano ang nararanasan nila sa paghimas ng manok.
Ganundin sa pag-aalaga ng kalapati na ang tanging kaligayahang ibinibigay ay ang paglipad ng mga ito ng napakalayo, ngunit makaraan ang ilang sandali ay umuwi rin ng bahay at may pagkakataong dumarapo pa sa nagbabantay nito.
Ngunit isa sa pinakapaboritong alaga ng marami ay ang aso, at hindi mahalaga kung mataas ang lahi o hindi basta’t napalapit na sa amo ay nagbibigay na ito ng katakut-takot na benepisyo.
Maraming indibidwal ang araw-araw kasama sa paglalakad sa umaga ang alaga nilang aso at malaking tulong ito kung medyo tinatamad maglakad sa umaga dahil ang aso mismo ang nag-aayang lumabas dahil nakasanayan na ito tuwing umaga.
Malaking tulong din kung nag-iisa kang namumuhay sa bahay dahil ang pag-aalaga ng aso o pusa ay nakakapawi ng kalungkutan at inaalis nito ang pakiramdam ng pag-iisa at kahit literal na hindi sumasagot ang aso ay ikinakaway nito ang kaniyang buntot o inilalabas ang dila bilang pagsang-ayon sa sinasabi ng amo.
Sa modernong buhay, ang stress at mataas na level ng anxiety ay nagdudulot ng ilang problema sa kalusugan ngunit dahil sa kasiyahang ibinibigay ng alagang hayop ay nababawasan ang tsansa na magkasakit partikular ang pagkakaroon ng sakit sa puso.
Karamihan sa may alagang aso ay nadaragdagan ang mga kaibigan dahil sa nagkakaroon sila ng panibagong kakilala na may alaga ring aso sa tuwing ipinapasyal nila ito sa parke na minsan ay nagiging daan pa tungo sa seryosong pag-ibig.
Ayon sa mga eksperto, malaking tulong din ang duming naipapasok ng aso sa loob ng tahanan dahil ang hindi naman grabeng mikrobyo ay nakapagpapataas ng immune system at may pag-aaral na ang mga baby na lumalaking may kasamang aso sa bahay ay mas matibay sa impeksiyon at higit na malusog kumpara sa sobrang linis.
May mga alagang aso rin na kayang makaramdam kung ang kanyang amo ay may nararamdamang sakit at madalas ay nagiging bantay din ang aso hindi lang sa tahanan kung hindi sa banta na dulot ng masasamang loob.
Maraming kuwento na ang aso ay iniligtas sa tiyak na kamatayan ang ilang bata tulad ng masasagasaan sana, ngunit itinulak ng aso at ang iba naman ay iniligtas sa pagkalunod o sa sunog na ilang saglit na lang ay lalamunin na ng apoy ang isang naiwang paslit.
Malaking tulong din sa paghubog sa mga bata na maging responsable kung may alagang aso sa bahay dahil sa natututo silang magkandili, magpakain at magpaligo na marami sa ating mga kababayan ay itinatabi pa sa pagtulog ang alagang aso.
At higit sa lahat ay ang pakiramadam na ligtas ka sa anumang masamang pagtatangka mula sa ilang masasamang loob at mahimbing na pagkakatulog dahil sa mayroong nagbabantay na gigising sa iyo sa oras ng panganib.
Tulad ng inyong lingkod bilang halal ng opisyal na araw-araw ay halos nasa online meeting dahil sa ipinatutupad na community quarantine at isa sa mga nagpapawala ng pagod, inip at stress ay ang mga alaga naming aso.
Matapos ang palitan ng paliwanagan sa online session sa Senado ay tanging ang mga aso naming sina Gray na German Shepherd, si Nardo na Belgian Malinois, si Eddie na Beagle at ang dalawa pa na sina Sushi at Zion na parehong schnauzer ang nag-aalis ng pagod at nagdadala ng malaking kasiyahan sa aming pamilya.
Halos magkapareho lamang ang nakukuhang benepisyo sa pag-aalaga ng aso at pusa, ngunit sadyang may mga taong mas gusto talagang alagaan ang pusa, partikular ang kababaihan dahil para sa kanila ay mas malambing umano ang pusa, ngunit hindi dito kumbinsido ang mga mahilig sa aso.
Kaya sa panahong ito na dikit-dikit at sunud-sunod pa ang mga problemang ating kinahaharap na may kaugnayan lahat sa pandemyang ito ay saglit munang pagtuunan ng pansin ang ating mga alagang hayop, kahit ano pa ito — upang maiba naman dahil kahit sa radyo at telebisyon ay puro COVID-19 na lang.
Hindi natin sinasabing mag-relax tayo laban sa COVID-19, ang sinasabi ko saglit lang tayong mag-alis ng stress sa tulong ng ating mga alagang hayop na kahit ano’ng sabihin natin ay puro pagmamahal lang ang ibinibigay sa atin at hindi nagrireklamo kahit kailan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com