top of page
Search

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 30, 2021



Tuwing huling Lunes ng buwan ng Agosto ay ipinagdiriwang ang ‘Araw ng mga Bayani’ - isang regular holiday sa buong bansa.


Ito ang araw na binibigyan natin ng parangal ang katapangan ng lahat ng bayaning Pilipino na buong giting na nakipaglaban para sa kalayaan ng bansa. Kabilang ang mga bayaning nagbuwis ng buhay na hindi na nakilala at kusang naglaho na lamang at natabunan na ng kasaysayan.


Taong 1995, isang taon bago ang sentenaryo ng rebolusyon laban sa mga Kastila, isang komite ang naglabas ng listahan ng pambansang bayani na kailangan umanong kilalanin dahil sa kanilang kontribusyon sa kasaysayan ng bansa.


Sila sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo H. del Pilar, Sultan Dipatuan Kudarat, Juan Luna, Melchora Aquino at Gabriela Silang.


Dalawa sa mga ito na sina Rizal at Bonifacio ang nanguna sa pakikipaglaban para sa ating kalayaan mula sa mga Kastila kaya may bukod pa silang national holiday na inaalala taun-taon para sa kani-kanilang hindi matatawarang kabayanihan sa Pilipinas.


Napili ang pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani sa Agosto dahil sa intensiyong maalala ang ‘Cry of Pugad Lawin’ noong 1896 sa ganito ring panahon, na unang kilos din ng pag-alsa laban sa mga Kastila ng sikretong samahang rebolusyunaryo ng Pilipino o ang Katipunan tungo sa kalayaan.


Taong 1996 ay idineklara namang Year of Filipino Heroes upang markahan naman ang sentenaryo ng rebolusyong isinagawa ng ating mga bayani laban sa panlulupig ng Kastila noong mga panahong iyon.


Ang ‘Araw ng mga Bayani’ ay ipinagdiriwang simula pa noong 1931 tuwing huling Linggo ng Agosto. Ngunit noong 2007 ay nabago ito sa huling Lunes ng nabanggit na buwan matapos na lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act. 9492 kaugnay sa holiday economics program na naglalayong maging long weekend ang selebrasyon upang makatulong sa turismo.


Sa panahong ito ng pandemya kahit wala tayong malaking selebrasyon para alalahanin ang ‘Araw ng mga Bayani’ ay tinitiyak nating hindi natin ito makalilimutan bilang isang Pilipino at kasabay nito ay nais ko ding isama sa pagkilala ang ating mga frontliners.


Hindi natin dapat kalimutan ang pagpupunyagi ng ating mga ‘modern day heroes’ na magdadalawang taon nang nasa gitna ng bakbakan. Hindi nila alintanang itaya ang kanilang buhay para isalba ang napakaraming buhay ng ating mga kababayan, at iahon ang bansa mula sa pandemya ng COVID-19.


Hindi na mabilang ang dami ng ating mga doktor, nurses at iba pang medical workers ang binawian na ng buhay, ngunit hanggang ngayon kahit kulang na kulang ang kanilang kompensasyon ay nananatiling naninindigan para lamang protektahan ang sambayang Pilipino. Napakalakas ng kaway ng oportunidad sa ibang bansa na tuluyang babago sa buhay ng ating mga nurses, lalo sa panahong ito ng pandemya na kulang na kulang na ang kanilang hanay, ngunit patuloy pa rin sila sa pagtugon sa pangangailangan ng bawat maysakit na Pilipino.


Dapat nating alalahanin na kahit anong husay ng pamunuan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at kahit santambak pa ang pondo at bakuna na dumating sa bansa ay hindi natin mararating ang tagumpay o ang mithiin nating herd immunity kung wala ang partisipasyon ng ating mga medical workers.


Kung dati-rati ay nakikipaglaban ang ating mga kinikilalang bayani at nagbuwis ng buhay para sa kalayaan natin laban sa kalupitan ng mga Kastila ay buhay rin ang ibinubuwis ng ating mga front-liners upang tuluyan na tayong makalaya sa paulit-ulit na pananalasa ng COVID-19.


Halos magdadalawang taon na ang pandemyang ito at bukod sa mga medical workers ay dapat din nating alalahanin ang mga sundalo , pulis at iba pang civil servants na silang nakatayo mismo sa unahan para labanan ang hindi nakikitang virus na unti-unting kumikitil sa buhay ng ating mga kababayan.


Ang kanilang hindi makasariling dedikasyon para tuparin ang kanilang tungkulin kahit ikasawi rin ng kani-kanilang pamilya sa oras na sila na naman mismo ang mahawa sa virus ay walang kuwestiyong maituturing na isa talagang kabayanihan na dapat bigyang-pugay.


Sa panahong ito ay maituturing na bawat Pilipino ay isang bayani dahil bawat isa sa atin ay may ginagampanang mahalagang papel para labanan ang COVID-19 hindi lang para sa ating sarili kung hindi maging sa mga mahal natin sa buhay at kapiling sa komunidad.


Hindi mahalaga kung malaki o maliit ang ating ambag upang madali nating marating ang pangarap nating herd immunity dahil ang mahalaga ay may ginagawa tayong ayon sa ikagagaan ng masusing pagpapasunod ng ating pamahalaan upang wakasan na ang pandemyang ito.


Kasarinlan, kapakanan at pagmamahal sa ating inang bayan ang pinag-uusapan dito, ngunit kung kabilang ka sa kasalukuyang pasaway at pahirap sa pamahalaan ay maituturing kang makapili sa makabagong panahon!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 27, 2021



Sa kasalukuyang panahon, bahagi na nga ng ating pamumuhay ang teknolohiya at parang hindi na natin kayang isipin kung paano pa mabubuhay kung wala ang modernong gamit at gadgets na sadyang nagpapadali ng pamumuhay. At napakabilis ng pag-unlad ng teknolohiya na tuluy-tuloy nagbabago para higit pang mapaunlad ang maraming bansa at nagmistulang napakaliit na ng mundo dahil dito.


Kabilang na ang mga advanced gadgets na malaking tulong para sa mga mag-aaral, lalo na ngayong panahon ng pandemya na wala tayong ibang maaasahan para maitawid ang kanilang pag-aaral kahit sisinghap-singap ang koneksiyon ng internet sa bansa.


Marami ang positibong bentahe para sa mag-aaral ng tamang paggamit ng gadgets at ilan dito ang matuto sa sarili sa maraming bagay, maraming oportunidad na makatuklas ng bagong kaalaman, komunikasyon at self-motivation.


Ngunit sa kabila ng mga bentahe ay hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang negatibong epekto nito sa mga bata dahil sa sobra at maling paggamit ng gadgets tulad ng tablets, laptops, computers, smartphones, video games at iba pang humahantong sa hindi maganda.


Lumalabas sa mga pag-aaral na ang paglampas sa tamang limitasyon o oras sa paggamit ng gadgets ng mga bata o estudyante ay nakababawas ng self-motivation, abilidad at kagustuhang matuto ng ibang kaalaman.


Maraming magulang ang sadyang binibigyan ng gadgets ang kani-kanilang anak upang manatili lamang sa lugar at hindi na magpagala-gala pa kasama ang ibang barkada na puwedeng mas humantong pa sa mas malaking problema.


Higit sa lahat ay hindi napapansing may ilang kabataan o mag-aaral ang hindi na basta nahihilig sa gadgets kung hindi dumaranas na ito ng addiction na labis nang nakaaapekto sa kalusugan tulad nang labis na pagtutok sa screen na humahantong sa pagkasira ng posture o pagiging overweight.


Ang mga batang adik na sa gadgets/video games ay madalas nakalilimutang uminom ng tubig, kumain sa tamang oras at hindi na nakararanas ng pisikal na aktibidad dahil sa maghapong nakatuon na lamang sa gadgets.


Tumaas din ang kaso ng kabataan sa buong mundo na dumaranas ng back pain, neck pain, headache, eye problem at mataas na banta ng macular degeneration na maaaring humantong sa pagkabulag at ang diabetes, obesity, gas trouble at iba pa ay puwede ring makuha sa pagiging adik sa gadgets.


Sinisira rin nito ang tamang oras na pagtulog ng bata dahil ang artificial blue lights na mula sa electronic gadgets ay nakababawas ng sleep-inducing hormone melatonin o nagdudulot ng kawalang gana na sa pagtulog o ayaw nang dalawin ng antok.


Hindi naman lahat ng mga bata ay malabo na ang mata, ngunit kapansin-pansin sa panahong ito na maraming bata ang nasa elementarya pa lamang ay nagsusuot na ng salamin dahil sa sobrang paggamit ng electronic gadgets na nagdudulot ng pagkalabo ng mga mata.


Labis din ang lumalabas na epekto nito, partikular sa mga nakababad sa video games hinggil sa pag-uugali ng bata na humahantong na sa pagiging bayolente, nawawalan na ng interes sa mga bagay na nakapaligid sa kanya, nagiging tamad at wala nang ganang mag-aral.


Bukod sa nag-iiba ang pag-uugali ng bata na lulong sa gadgets ay nababawasan na rin ang pagtuklas niya sa mga bagay na nasa labas ng tahanan at hirap na silang tapusin ang gawain na kanilang nasimulan dahil inaagaw ang kanilang atensiyon ng paggamit ng gadgets.


Dahil din sa labis na paggamit ng gadgets ay maraming kabataan ang hindi na nakisasalamuha sa kapwa o wala nang social relationship dahil sa mas marami na ang kanilang kaibigan online kumpara sa nakahahalubilo nila ng personal.


Ang pinakagrabe pa ay maraming kabataan ang hirap na hirap makipag-face-to-face interaction sa ibang tao, lalo na kung kailangan na nilang magsalita sa harap ng publiko dahil mas kampante na silang nag-iisa kapiling ang kanilang gadgets.


Maging ang pagsalubong ng mga batang gumon sa gadget sa kani-kanilang magulang ay hindi na nila nagagawa at madalas ay sila pa ang pinupuntahan sa kanilang silid para kumustahin at malaking epekto rin ito sa paghaharap-harap ng pamilya dahil madalas ay wala ang isa o dalawa sa kanilang mga anak.


Kaya kung benepisyo at bentahe ang pag-uusapan hinggil sa lalo pang umuunlad na teknolohiya ay masasabi nating malaki pa rin ang tulong ng modernong pamumuhay gamit ang teknolohiya dahil malaki ang ibinilis nang pag-unlad ng mga bansa sa buong mundo dahil dito.


Hindi rin solusyon na tahasan nang ipatigil ang paggamit ng gadgets sa mga bata at sa halip ay turuan silang maging responsable upang hindi humantong sa pagiging adik sa gadgets ang kanilang pagkahilig dito.


Dagdagan natin ang personal na paghipo sa ating mga anak, madalas na pagyakap, kasabay na kumakain habang nag-uusap at pilitin nating maisama sa iba pang aktibidades sa loob ng tahanan at huwag nating hayaang mas naaagaw ng gadgets ang kanilang atensiyon.


Kung may kapasidad ay ilapit sa musika at himuking mag-aral ng piano, gitara o kahit anong musical instruments, puwede ring hikayating mag-gym o maging aktibo sa sports para hindi na magkaroon ng maraming oras para sa gadgets.


May nakita tayong bata sa arcade noon na ipinagmamalaki niya sa kanyang tatay kung paano niya talunin sa basketball ang kaniyang kalaban sa computer at tuwang-tuwa naman ang tatay dahil kitang-kita niya kung gaano kahusay sa computer game ang kanyang anak.


Nalungkot tayo dahil noong kabataan namin ay personal naming hawak ang bola, tumatakbo at nakikipagbanggaan kami sa kapwa namin bata para lamang mai-shoot ang bola, na kahit masaktan ay naranasan namin ang tunay na kahulugan ng salitang laro!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 25, 2021



Sa panaho ng pandemya na tila hindi malaman ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kung paano ba talaga tuluyang mareresolba at maibabalik sa dating pamumuhay ang ating bansa ay hindi maiwasang tumaas ang bilang ng pinanghihinaan na ng loob.


Tuluyan nang nahati ang pananaw ng marami sa ating mga kababayan dahil kung marami ang hanggang ngayon ay buong-buo pa ang pag-asa na isang araw ay magbabalik tayo sa dati nating pamumuhay ay marami rin ang nawawalan na ng pag-asa.


Malaking epekto na maging ang pagtungo sa mga simbahan o kahit anong religious gatherings ay pansamantalang hinihigpitan dahil sa banta pa rin ng COVID-19 kaya malaking kawalan ito para sa ilan nating kababayan na rito humuhugot ng lakas para sa pang-araw-araw na pamumuhay.


May ilan din tayong kasama sa mga opisina, pabrika o iba pang lugar kung saan mayroong manggagawa ay bigla na lamang tayong nagugulat kapag sa gitna ng sitwasyon ay biglang titigil at sisigaw nang napakalakas.


Ngunit kapag tinanong ang indibidwal kung bakit siya biglang sumigaw ay wala naman siyang maibigay na sapat na paliwanag maliban sa nais lamang umano niyang magtanggal ng pagkabagot na nararamdaman dahil umay na umay na ito sa paulit-ulit na ginagawa araw-araw.


Nais nilang ibahin ang takbo ng kanilang buhay, ngunit hindi ito dagliang mababago kaya wala silang magawa kundi ang pilitin pa ring gawin ang pang-araw-araw nilang tungkulin at sa pamamagitan ng pagsigaw ay pansamantalang gumagaan ang kanilang kalooban.


Alam ba ninyong lahat ng tao ay nangangailangan ng break o bakasyon mula sa kanilang mentally challenging na trabaho o pang-araw-araw na ginagawa upang makapagpahinga ng sapat at makapag-recharge para mawala ang pakiramdam na tila sasabog.


Marami sa ating mga kababayan ay masyadong nakatali sa pang-araw-araw na gawain kaya walang sapat na panahon o tamang pagkakataon para sa sarili dahil sa dami ng kanyang pananagutan, partikular ang ilan nating kababayan na nakahanay sa hard labor.


May ilan na kahit paano ay kayang magtungo sa SPA para magrelaks, magtungo sa ilang music bar para mag-unwind kahit ilang sandali, mag-shopping o manood ng sine, ngunit ang lahat ng ito ay hindi basta maisasagawa dahil sa pandemya.


Ngunit alam n’yo ba na isa sa pinagmumulan ng stress, pagbagal ng katawan, pakiramdam na tila pagod na pagod at sobrang pamimigat ng kaisipan ay ang halos walang nang pahingang paggamit ng cellular phone?


Tukuy na tukoy ito sa ginawang pananaliksik ng Rutgers University na siyang pangunahing dahilan bakit ang indibidwal ay biglang nagkakaroon ng pakiramdam na tila punung-puno at biglang parang sasabog na hindi maintindihan ng marami sa ating mga kababayan.


Napakahaba ng isinagawang pag-aaral ng Rutgers University na nilahukan ng 414 katao na lahat ay binigyan ng word puzzles na kailangan nilang sagutin upang masukat ang kanilang abilidad, tiyaga at kakayahan ng isip.


Iba’t ibang klase ng world puzzle ang kanilang kinaharap at sa gitna ng kanilang pagsagot sa mga puzzle ay marami sa mga kalahok ang sadyang pinagpahinga, ngunit binigyan ng panibagong task kung saan ay pinamili sila ng ilang item.


Ang una sa pagpipilian ay ang cellphone, ikalawa ay computer at iba pang item habang ang iba ay binigyan ng bond paper kung saan isusulat nila ang dahilan kung bakit nila napili ang naturang item, samantalang ang ibang kalahok ay hindi naman binigyan ng pahinga kahit sandali.


Inilathala sa Journal Behavior Addictions ang naturang pag-aaral na umano ay nagpakita na ang mga kalahok na hindi nagpahinga sa paggamit ng cellphone ay may mas mataas na lebel na pagbaba ng kaisipan at kitang-kita na mas nahirapan silang sagutin ang puzzle.


Dahil dito ay napatunayan sa naturang pag-aaral na ang paggamit ng cellphone sa gitna nang pamamahinga ay hindi nakatutulong para sa utak ng indibdwal na nais mag-recharge dahil sa resulta nito na nakapagpapababa ng paggagawa.


Lumalabas din na kapag ang indibidwal ay naagaw ang atensiyon dahil sa tunog ng cellphone ay mahirap na itong maibalik ng agaran sa kanyang ginagawa depende pa sa kausap at kung anong problema pa ang dala nito na magpapabigat sa kaisipan ng gumagamit ng cellphone.


Hindi pa kasama ang masamang epekto ng fake news na mas madalas ay panandaliang pinaniniwalaan at nakagugulo sa isipan ng isang indibidwal lalo pa at kulang ang pagkakataon para iberipika kung totoo o hindi ang nabasa nating impormasyon sa ating mga cellphone.


Kaya dahil sa bilis at ganda ng ating teknolohiya ay kitang-kita ang magandang dulot nito, ngunit kung ang nais natin ay kumpletong pahinga para maibalik sa dati ang ating pagkatao na saglit na nawala dahil sa nakakaumay na mundo na ating ginagalawan ay makabubuting patayin na muna ang cellphone.


Kahit saglit ay walang aaway sa ‘yo, walang magagalit, walang magbibigay ng problema, walang mag-uutos, walang magtatanong at walang magsasabing expired na ang load kaya dapat nang mag-load!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page