ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 06, 2021
Lumalakas ang panawagan ng iba’t ibang sektor sa pagnenegosyo hinggil sa panukalang magpatupad ng ‘bakuna bubble’ na tanging ang mga bakunado lamang at mga may negatibong test result lang ang papayagang pumasok sa mga establisimyento.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay naninindigan ang Department of Justice (DOJ) hinggil dito dahil hindi pa umano ito ang tamang panahon sa pagpapatupad nito dahil napakarami pa ng katanungan sa legal na aspeto ng naturang panukala.
Sa kabila nang pagsisikap ng pamahalaan na kumbinsihin ang publiko na makilahok sa isinasagawang vaccination program laban sa COVID-19 ay nananatiling malaking suliranin para sa bansa ang pagdadalawang-isip na magpabakuna ng marami sa ating mga kababayan.
Kahit napakataas na ng isinasagawang kamalayan hinggil sa kaligtasan at mabuting epekto ng bakuna ay ikinukonsidera pa rin ng pamahalaan ang dinaranas ng social trauma ng ilan sa ating mga kababayan na epekto ng mga nagdaang karanasan hinggil sa pagbabakuna.
Ngunit kahit napakataas ng pag-aalinlangan ng publiko ay itinuloy pa rin ng pamahalaan ang pagbabakuna laban sa COVID-19 at marami naman ang nagpabakuna na at patuloy pang tumataas ang nais magpaturok ngunit lumalabas pa rin sa mga survey na marami pa rin ang natatakot.
Lumalabas pag-aaral na ang dinaranas na social trauma ng marami ay dahil sa Dengvaxia vaccine at kontrabersiya sa geopolitics na labis na nagpahirap para makapaglunsad ng panibagong tiwala ang pamahalaan hinggil sa mabuting dulot ng bakuna.
Matatandaang noong 2016 ay nakaranas ang bansa ng pinakontrabersiyal na pagbabakuna sa kasaysayan na humantong sa pagkasawi ng mahigit sa 600 katao na karamihan ay bata at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa napapanagot ang mga nasa likod nito.
Hindi natin masisi ang marami sa ating mga kababayan na nasira ang tiwalang minsan nilang ipinagkaloob sa pamahalaan ngunit dahil sa dami ng nasawi at wala pang natutukoy na salarin ay tila napakahirap para muli silang himuking ibalik ang kanilang naglahong tiwala.
Sa ngayon ay nagbigay na ng pahayag ang pamunuan ng Ayala Malls na hindi umano mahirap ipatupad ang ‘no vaccine no entry’ dahil mahigpit umano ang kanilang pagpapatupad sa mga health at safety protocol.
May sapat umanong panuntunan ang kanilang establisimyento para ipatupad ang konseptong ‘bakuna bubble’ at hindi umano sila magdadalawang isip hinggil dito kung ipag-uutos na ng pamahalaan.
Suportado rin ang ‘bakuna bubble’ ng food at beverage sector na labis umanong naapektuhan ng sunud-sunod na lockdown dahil sa pandemya at karamihan sa mga dine-in services ay hindi pinayagan at malaking tulong umano kung ipatutupad na ito.
Ayon naman sa pamunuan ng McDonald’s Philippines ay hindi maituturing na diskriminasyon ang ‘bakuna bubble’ dahil magsisilbi umano itong proteksiyon sa mga hindi pa bakunado at malaking kabawasan sa problemang kinakaharap laban sa COVID-19.
Ang COVID-19 vaccine umano ay maihahalintulad sa seatbelt na nagbibigay ng proteksiyon sa kahit anong klase ng aksidente tulad ng virus na hindi natin alam kung saan at kung kailan makakahawa.
Maging ang pamunuan ng Wilcon Depot, Inc. ay suportado rin ang naturang panawagan dahil mahalaga umanong payagan na ang mamimili na makapunta sa mga establisimyento para makita nila ng personal ang binibili upang hindi mabiktima ng mga hindi akma at maling produkto sa online selling.
Kahit ang pamunuan ng Victory Liner, Inc. ay nakikisimpatya sa panawagan ng mga negosyante na panahon na umano upang magkaroon ng malinaw na panuntunan na aakma sa sektor ng transportation at aayon sa pagpapatupad ng ‘bakuna bubble’.
Pabor na pabor din sa ‘bakuna bubble’ ang mga nasa IT at business processing sector, mga gym owner, salon, SPA at marami pang nesgosyo dahil nakikita umano nilang ang pagpapatupad nito ang tanging makapagsasalba para makabangon ang kani-kanilang negosyo.
Nagsimula ang mga panawagan hinggil dito nang magpahayag kamakailan si Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder na si Joey Concepcion na magpatupad ng ‘bakuna bubble’ upang mapasigla umano ang ekonomiya sa gitna ng pandemya na umani naman kaagad ng napakaraming suporta mula sa mga negosyante.
Ngunit natural lamang na may mga tututol sa panukalang ito at tinatawag itong diskriminasyon at maging ang usaping legal ay nauungkat sa panawagang ito at nananatiling nakabitin pa ang ‘bakuna bubble’ na ito.
Kung ang mga hindi bakunado ang tatanungunin ay matagal na nilang alam na baka isang araw ay magkaroon talaga ng paghihigpit, ngunit hindi nila ito alintana dahil ang gusto lang nila ay huwag talagang magpaturok ng bakuna at wala silang pakialam kung anuman ang maging negatibong epekto nito.
Malaking hadlang din sa pagpapatupad ng ‘bakuna bubble’ ang marami sa ating mga kababayan na gusto nang magpabakuna ngunit hindi pa natuturukan dahil sa kakulangan ng supply at ito ang matatawag na diskriminasyon kung hindi sila papapasukin sa mga establisimyento.
Kung igigiit na ipatupad ang ‘bakuna bubble’ ay hindi pa talaga napapanahon dahil marami pa ang hindi nababakunahan na desidido nang magpabakuna, pero ‘yung mga ayaw magpabakuna ay alam na nilang darating ang pagkakataong ito na maghihigpit, pero talagang ayaw nila.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com