ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 13, 2021
Sa paglipas ng panahon ay mabilis na nagbabago ang lahat at isa sa tila nagkakaisang nais na mangyari ng marami sa ating mga kababayan ay ang simulan na ang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa pagpasok pa lamang ng ‘ber’ months.
Maging ang mga radio at television personalities na may malaking impluwensiya sa mga bagay-bagay at kaganapan sa ating kapaligiran ay tila nagkakaisa rin sa pagsasabing ‘ber’ months na at simula na ito ng pagsalubong sa Kapaskuhan.
Paulit-ulit ding naririnig sa kanila at maging sa mga komento sa social media na ang Pilipinas ang may pinakamahabang selebrasyon ng Kapaskuhan sa buong mundo at tila unti-unti na nga natin itong pinangangatawanan.
Hindi malaman kung paano ito nagsimula at hindi ito opisyal, ngunit ang unti-unting pagyakap ng mga Pilipino sa ‘ber’ months ay isang malaking tagumpay sa panig ng mga negosyante na siyang orihinal na nagpasimuno para hikayatin ang marami na mamili at maghanda ng maaga para sa araw ng Pasko.
Wala namang masama na magkaroon ng bagong pagdiriwang tulad ng ‘ber’ months dahil maging sa social media ay regular nang nakikita ang mukha ng singer na si Jose Mari Chan na ilang araw sumisilip bago ang ‘ber’ months at sa unang araw ng September ay naririnig na ang mga Christmas Song sa radyo at telebisyon.
Idagdag pa rito ang isinasagawang countdown sa mga programa sa radyo at telebisyon na araw-araw ay nagdadagdag sa pagkasabik ng mga taong may panggastos sa darating na Kapaskuhan at nagdudulot naman ng pangamba sa mga kababayan nating salat sa kakayahan.
‘Ber’ months din nagsisimula ang magpatugtog ng mga Christmas song sa mga shopping mall at iba pang pamilihan at naglipana na rin ang mga nagbibenta ng parol at naka-display na ang mga ito sa gilid ng kalye kasabay ng pagpatay-sindi ng mga ilaw.
Hindi na maawat ang sistemang ito ng ‘ber’ months at tila nabalewala na nga at natabunan na ang popularidad ng araw ng mga patay na ipinagdiriwang tuwing Nobyembre 1 na saglit na lang iniraraos dahil panahon naman ito para makapaghandog ng bulaklak at kandila ang marami nating kababayan.
Pero alam n’yo ba na may panawagan ang Simbahang Katoliko na hindi tama ang ‘ber’ months o ang mahabang pagdiriwang ng Kapaskuhan at hindi umano dapat gawing commercial celebration ang Araw ng Pasko.
Ang nagbigay ng paalala hinggil dito ay si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, na tila nababahala sa maagang pagsisimula ng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa tuwing sumasapit ang buwan ng September.
Pinaninindigan ni Bishop David na hindi kailanman hinihikayat o sinusuportahan ng Simbahan ang maagang pagsisimula ng Pasko sa bansa dahil taliwas umano ito sa Liturgical calendar ng Simbahang Katoliko.
Wala umanong kinalaman ang Simbahan kung paano nagsimula ang ‘ber’ months celebration sa bansa o ang pagpasok ng September, October, November at December –- apat na buwan bago mag-Pasko dahil isa umano itong malaking pagkakamali at mariing tinututulan ng Simbahan.
Bago pa umano ang pagdiriwang ng Pasko tuwing buwan ng Disyembre ay may ginugunita pang panahon ng Adbiyento na apat na linggong paghahanda sa araw ng pagsilang ng Anak ng Diyos na si Hesus at ito umano ang pinakamakahulugang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko.
Pero dahil umano sa pagsasamantala ng mga negosyante ay nasisira ang liturgical season dahil lamang sa komersiyalisasyon na sa halip na bigyang-pansin ang kabanalang bahagi ng pagdiriwang ay inuuna ang pangungumersyo sa tao gamit ang Pasko.
Pagkatapos umano ng Adbiyento ay nagsasagawa pa ng nobenaryo na napakahalaga dahil bahagi ito ng malaking paghahanda para sa mismong araw ng Pasko, ngunit ang lahat ng ito ay nababalewala dahil sa maling pagdiriwang.
Hindi naman tayo maaaring makipag-argumento sa paliwanag ng Simbahan dahil mas higit ang kanilang kaalaman sa mismong kapanganakan ng Panginoong Hesus at kung bakit dapat nating gunitain ang naturang pagdiriwang.
Kung may nakikitang mali ang Simbahan sa mahabang selebrasyon ng mga Pilipino sa Kapaskuhan ay mas higit ang kanilang karapatan para ituwid ang makabagong kasanayan dahil sila ang itinalaga at nagturo sa mundo kung bakit may Araw ng Pasko.
Wala naman tayong nakikitang pagkakamali kung magkaroon ang mga Pilipino ng bagong kasiyahan o pagdiriwang tulad ng ‘ber’ months basta’t huwag na lamang nating iuugnay ang naturang selebrasyon sa mismong kapanganakan ni Hesus dahil taliwas umano ito sa Simbahan.
Puwede rin namang ituloy ang kasiyahang nararamdaman ng lahat patungkol sa ‘ber’ months at puwede na lamang natin itong tawaging ‘ber’ months celebration bago magbagong taon para magkaroon ng dahilan na puwede nang magpatugtog ng Christmas song.
Pero tandaan nating mabuti na ayaw ng Simbahan na iugnay natin ito sa banal na pagdiriwang tulad ng Araw ng Pasko at huwag tayong mag-imbento ng sarili nating estilo ng pagdiriwang dahil may umiiral na panuntunan ang Simbahan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com