top of page
Search

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 29, 2021



Ibang kasiyahan talaga ang dulot sa akin at sa aking buong pamilya ng isinagawa nating ‘Kap’s Amazing Agimat Giveaway’ noong Sabado at Linggo bilang pagdiriwang ng aking ika-55 kaarawan.


Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na paulit-ulit natin itong isinasagawa na nagsimula noong kasagsagan ng pandemya na imbes na magsagawa ako ng dati kong nakasanayan na malaking selebrasyon sa aking kaarawan ay magsagawa na lamang ng programa online.


Lumaki akong palaging napakaraming bisita tuwing birthday ko, kabilang na ang mga malalapit na kaibigan sa pulitika, showbiz industry, kaanak at higit sa lahat ay ang aming tagasuporta, partikular sa panahon pa ng namayapa kong ama.


Noong unang taon ng pandemya ay nabago ang lahat dahil hindi kinaya ng aking konsensiya na magsagawa pa rin ng napakagarbong handaan sa gitna ng napakarami nating kababayan ang naghihikahos at halos nalilipasan na ng gutom dahil sa pandemya.


Kaya sa harap ng aming hapag-kainan sa piling ng aking buong pamilya ay nabuo namin ang konsepto na mamahagi na lamang sa mismong araw ng aking kaarawan kapalit ng dati naming nakagisnang malaking pagdiriwang.


Dahil sa nahinto ang face-to-face classes ay unang naming tinugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral, mga guro at ilan pang kababayan kaya nabuo ang Kap’s Amazing Gadgets Giveaway, ngunit dahil sa napakarami ng nangangailangan ay inulan kami ng napakarami pang kahilingan.


Mula noon ay paulit-ulit na namin itong isinasagawa at hindi lang mga gadget ang aming ipinamamahagi dahil nagkaroon na ng Pangkabuhayan Package, Puhunan at malalaking cash na pa-premyo at nitong huli ay ang ‘Kap’s Amazing Agimat Giveaway’.


Mas masaya pa ang kinalabasan kumpara sa aming inaasahan dahil sa unang araw ng mismong aking birthday ay kasama ko ang aking buong pamilya na tumulong din sa pagho-host ng programa at sabay-sabay kaming namamahagi habang nagkukulitan kaya lumabas na napakasaya.


Ang programa na dapat tatagal lamang ng isang oras ay umabot ng mahigit sa dalawang oras dahil sa sobrang saya at nakatataba ng puso na ang aking mga anak ay marunong na ring mamahagi ng hindi umaasa ng anumang kapalit.


Ilang beses din akong naluha dahil sa kalagayan ng marami nating kababayan na lumahok sa ating programa na napanood ng live sa Facebook dahil sa napakarami ng maysakit at nawalan ng hanapbuhay na kapag nakatatanggap ng malaking halaga ay umiiyak, sumisigaw, nagtatalon at kung anu-ano pang reaksiyon ng kasiyahan.


Mabuti na lamang at kasama ko sina Boobsie Wonderland ay Moymoy Palaboy sa kabuuan ng programa na kahit medyo papunta na sa drama ang programa ay naibabangon nila para maging masaya dahil sa husay nilang magpatawa.


Hindi ko na sana nais banggitin pa, ngunit milyun-milyong piso ang ating naipamahagi, bukod pa sa nabigyan natin ng medical assistance dahil sa marami talaga ang literal na nakaratay at nakikita ng live sa video at nasa abang kalagayan kaya dapat tulungan.


Kung may sapat nga lamang tayong budget para bigyan ang lahat ng nangangailangan ay hindi na ako magpapa-contest pa, kung hindi ipamimigay ko na lamang ng diretso, kaya lamang ay hindi mabibigyan lahat kaya idinaaan natin sa palaro para magkaroon lahat ng pantay na pagkakataon.


Isa pa sa nakatutuwa ay napakaraming lumahok mula sa Mindanao, Visayas, iba’t ibang bahagi ng bansa at may mga Overseas Filipino Workers (OFWs) pa na lahat ay nakisaya at kapiling ko sa mismong araw ng aking birthday.


Sa unang araw (Sept. 25) ay umabot sa 1.2-M ang reached, 87-K ang shares, 400-K ang views at 640-K naman ang comments, sa ikalawang araw (Sept. 26) ay umabot naman sa 1.5-M ang reached, 85-K ang shares, 450-K ang views at 900-K ang comments.


Gusto ko rin palang pasalamatan ang mga bumati sa akin sa mismong programa na sina Deputy Speaker at dating Senador Loren Legarda, Sen. Juan Miguel Zubiri, House Speaker Lord Allan Jay Velasco, Sen. Bong Go, Sorsogon Gov. Chiz Escudero, Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Davao City Mayor Sara Duterte at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte.


Sa huling araw ng pagdiriwang ay bumati rin sina Sen. Sherwin Gatchalian, Sen. Joel Villanueva at personal na dumalo sa mismong programa si Sen. Jinggoy Estrada na saglit pang lumahok sa programa at naghandog pa ng isandaang libong piso na karagdagang premyo para sa mga nagsilahok.


Sampu ng aking pamilya ay nagpapasalamat din ako sa lahat ng tumulong para maging posible ang pamamahagi kong ito, partikular ang mga nag-ambag ng tulong, cash at iba pang suporta na talagang inihabol ng malalapit kong kaibigan at iba pang sponsor na nais ding makapagpasaya ng ibang tao.


Kaya hindi matapus-tapos ang aking pasasalamat sa lahat ng mga nakaalala at maging sa libu-libong tumutok at hindi bumitaw hanggang matapos ang programa na dahil sa inyong lahat ay naging matagumpay ang isinagawa nating pagdiriwang at pamamahagi.


Tulad ng dati hanggang sa kasalukuyan ay inuulan pa rin tayo ng napakaraming kahilingan na sana ay muling maulit ang ating cash and gadget giveaway, kaya lang isa tayong halal na opisyal at napakarami nating dapat tugunan at bigyang prayoridad.


Pero pangako ko sa inyong lahat na isa sa mga darating na buwan kahit hindi ko birthday ay muli tayong magsasagawa ng cash and gadget giveaway na live online sa Facebook para sa maaga namang pamasko at mas malalaki ang mga papremyo.


Muli ay maraming salamat sa lahat dahil sa ipinadama n’yo naman sa akin ang napakasarap na pakiramdam ng nagbibigay na naranasan ko na naman at kumumpleto sa aking kaarawan.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

birthday games at raffle.


ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 24, 2021



Ilang araw pa lamang umaarangkada ang pagbubukas ng klase ay tila binagsakan ng sumabog na bomba ang Department of Education (DepEd) matapos madiskubreng may nagaganap na raket sa pagsagot ng module ng mga estudyanteng nahihirapan sa online distance learning.


Mismong si DepEd Secretary Leonor Briones ang nagkumpirma kaugnay sa nag-viral sa Facebook group ng mga estudyante na nagpapasahan umano ng sagot sa kanilang modules at eksaminasyon na lubhang malaking epekto para sa tamang pag-aaral ng mga ito.


Nabatid na ang mga inilabas na module ng DepEd ay may kaakibat na mga tanong na kailangang pag-aralan ng bawat mag-aaral upang matiyak na sila ay may natutunan at dito rin ibabase ang mga gradong ibibigay sa kanila.


Ngunit dahil nag-leak na umano ang mga sagot sa inilabas nilang module at napunta na umano ito sa pag-iingat ng mga estudyante ay malaking pagsubok ito sa kakayahan ng DepEd para iresolba dahil miyun-milyong piso ang kakailanganin kung magpapalit pa ng panibagong modules.


Mabuti nga at pinayagan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes sa mga low-risk na lugar at nasa isandaang pampubliko at dalawampung pribadong paaralan ang magsagawa ng pilot implementation.


Pero hindi maaaring pilitin ang mga estudyante na dumalo, kaya inabisuhan ang mga paaralang kabilang sa listahan na kunin ang parent consent ng mga mag-aaral na sasali sa face-to-face classes na sisimulan sa Enero 2022 pa.


Malaking pagkakaantala rin sa pagbabalik-eskuwela ng mga estudyante ang hindi pa pagpayag ng pamahalaan na bigyan na ng bakuna ang mga menor-de-edad, ngunit maaari nang simulan ng lokal na pamahalaan ang pagpaparehistro.


Ayon sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ay pinag-aaralan pa ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) ang datos sa pagbabakuna ng nasa edad 12 hanggang 17 kung kailan sila maaaring payagan.


Ang pagtugon ng lokal na pamahalaan para makapagsagawa ng registration ay upang matukoy na ang populasyon ng kabataang maaaring bakunahan bago tuluyang payagang makabalik sa face-to-face classes.


Nasa gitna pa rin ng argumento ang ating mga eksperto kung dapat na bang unahin na bigyan ng booster shots ang mga healthcare workers at immune-compromised individuals o ang mga estudyante muna dahil sa limitadong supply ng bakuna.


Sa pagbubukas ng school year 2021-2022 ay nasa 21 milyong mag-aaral lang ang nagpa-enroll o katumbas ng 80 porsiyento ng mga enrollees noong nakaraang school year dahil sa pangamba at kahirapang dulot ng pandemya.


Problema pa rin sa internet connection ang pangunahing sumalubong sa mga estudyante at guro mula kinder hanggang senior high school sa pagbabalik ng klase na hindi na natin kontrolado kung kailan talaga magiging maayos ang sisinghap-singhap na koneksiyon sa internet.


Kunsabagay, sinabi naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mas naging maayos naman ang kasalukuyan nating internet connection kumpara noong nakalipas na taon, ngunit tila hindi nararamdaman ng publiko.


Pero sa tingin natin, kahit pawala-wala ang signal sa maraming lugar sa buong bansa ay nairaraos natin ang araw-araw na paggamit ng internet at katunayan ay nagamit ito ng grupo ng mga mag-aaral upang maging viral ang sagot sa kasalukuyang modules.


Dahil dito ay agad na nakipag-ugnayan ang pamunuan ng DepEd sa Philippine National Police (PNP) upang tugisin ang mga nasa likod ng online kopyahan ng mga estudyante sa gitna ng isinasagawang distance learning scheme.


Agad namang inatasan ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang kanilang Anti-Cybercrime Group upang matukoy kung sinu-sino ang mga sangkot sa kopyahan at pasahan ng sagot online sa bawat eksaminasyong ibinibigay ng DepEd.


Maging ang National Bureau of Investigation (NBI) ay tinapik na ng pamunuan ng DepEd upang magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa bigayan ng sagot online upang tuluyan nang matigil ang ganitong gawain, partikular ng mga tamad na mag-aaral na hindi makasabay sa sistema ng online learning.


Bagama’t may mga aberyang kinahaharap ang pamunuan ng DepEd ay maituturing pa ring tagumpay ang muling pagbubukas ng klase maliban sa marami pa ring guro at estudyante ang wala pa ring sariling cellphone o laptop na mahalaga sa online learning.


Pero bukas, Sabado ay ganap na alas-6: 00 ng hapon ay pagdiriwang ng aking kaarawan at muli akong mamimigay ng mga gadgets kabilang na ang laptop, cellphone, tablet at muli pa itong masusundan sa Linggo ng nasabi ring oras.


Kaya sa mga wala pang gadgets ay ito na ang inyong pagkakataon at may inilaan pa akong sangkatutak na papremyo kabilang na ang cash na papremyo, pangkabuhayan package, groceries at marami pang iba.


Sa mga interesadong sumali, mag-fill out lang sa Google form link at isumite ito sa aking social media account, siguraduhin ding nakatutok kayo sa aking FB Live sa mga nabanggit kong araw para makasali sa iba pang games at papremyo maliban sa raffle.


Kailangang mag-subscribe sa aking official You Tube Channel at i-click ang notification bell upang makasigurong updated kayo sa aking birthday giveaway. Buksan lamang ang https://bit.ly/AGIMATBIRTHDAYGIVEAWAY para sa Google form link.


Imbitado ang mga estudyante, teachers, OFWs, workers at iba pa, basta lahat kayo imbitado! Sali na!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 22, 2021



Good news naman! Sa dinami-rami ng negatibong balita na naglalabasan sa panahong ito ng pandemya na bukod sa kabi-kabilang problema bunga ng COVID-19 ay saglit tayong hihinga sa darating na pagdiriwang ng aking kaarawan. Alam konh utang-uta na kayo at ayaw n’yo nang makinig o magbasa ng balita hinggil sa COVID-19 na halos magdadalawang taon na nating naririnig araw-araw na nadagdagan pa ng problema dahil sa mga taong ayaw magpaturok ng bakuna.


Kaya heto na, sa mga sabik na sabik nang muling mapanood at makasali sa isinasagawa nating KAP’s AGIMAT GIVEAWAY ay muli natin itong ibabalik bilang pagdiriwang ng aking kaarawan upang kahit nasa kani-kanya tayong bahay ay sama-sama tayong makapagsaya.


Naalala n’yo pa ba noong nakaraang taon na dahil sa pandemya ay hindi na ako nagsagawa ng malaking handaan o salu-salo sa aming tahanan na mula sa aking pagkabata ay akin nang kinalakihan na dinadaluhan ng napakaraming bisita.


Mga bisita mula sa showbiz industry, pulitika, malalapit na kaibigan, kamag-anak at tagahanga, lahat sila ay taun-taon kong kapiling tuwing sasapit ang aking kaarawan.


Ngunit hindi natin kinaya na magsagawa ng napakalaking selebrasyon habang ang marami sa ating mga kababayan ay halos wala nang makain dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng pandemya kaya nagsagawa na lamang tayo ng giveaway celebration online.


Pero ngayong darating na Sabado at Linggo (Septyembre 25 at 26) ay babalik ang aking Facebook Live ang ‘Kap’s Agimat Birthday Giveaway’ na gaganapin tulad ng dati na kahit walang malaking handaan ay imbitado ang lahat online.


Mismong araw ng Sabado ko isasagawa ang aking birthday giveway dahil ito mismo ang araw ng aking kaarawan at dinagdagan ko pa ng isa pang araw kinabukasan para mas marami ang makakuha ng mga papremyo tulad noong nakaraang taon.


Libu-libo ang nagbigyan natin ng gadgets tulad ng cellphone, laptop, tablet at iba pa na napakalaking tulong hindi lang sa mga mag-aaral na kasalukuyang sumasabak sa online learning kung hindi maging sa mga guro.


Libu-libo rin ang nakakakuha ng cash na papremyo, pangkabuhayan package at groceries na ilang panahon ding nagtawid sa marami nating kababayan sa kahirapang dinaranas dulot ng pandemya.


Kaya tulad ng dati kahit marami ang hindi nakalalabas ng bahay, hindi nagkikita-kita at nakararanas na ng pagkainip ay muli na naman tayong magkakaniig para sabay-sabay tayong ipagdiwang ang aking kaarawan.


Naalala ko pa na noong nakaraang taon matapos ang napakaraming gadgets na ating naipamahagi sa tinawag naman naming ‘Amazing Giveaway’ ay napakarami ng tawag ang aming natatanggap tuwing matatapos ang programa.


Kaya ang naturang birthday giveaway na sana ay isasagawa lamang sa aking mismong kaarawan ay nasundan pa nang nasundan na halos tumagal din ng ilang buwan dahil sa dami ng nakikiusap na ipagpatuloy ang pamamahagi.


Ngunit bilang mambabatas at iisa lang ang ating katawan kaya saglit tayong napahinga dahil sa ilang mga gawain na dapat nating tugunan hindi lang sa Senado kung hindi sa pagresponde pa sa pangangailangan ng marami sa ating mga kababayan.


Hindi lang naman pandemya ang ating kinakaharap dahil may mga biktima rin ng kalamidad na nangangailangan din ng lingap ng pamahalaan kaya saglit tayong nawalan ng komunikasyon.


Pero ngayong Sabado at Linggo ganap na alas-6: 00 ng gabi ay hindi ako makapapayag na hindi ko kayo makapiling, partikular ang napakarami pang guro at mag-aaral na hanggang sa kasalukuyan ay nanghihiram pa rin ng gadget para sa kanilang eskuwela.


Dahil dito ay dinagdagan pa namin ang aming pagsisikap para mapaghandaan ang darating na okasyon upang mas marami pa tayong kababayan ang mabigyan ng pagkakataong magkaroon ng sariling gadget, puhunan at iba pang makatutulong para sama-sama nating maitawid ang pandemyang ito.


Tulad ng dati ay wala tayong pinipili, lahat ay may pagkakataong sumali kahit saan mang sulok ng bansa basta may internet connection ay may pagkakataong mag-uwi ng malalaking papremyo.


Sa mga interesadong sumali, mag-fill out lang sa Google form link at isumite ito sa aking social media account, siguraduhin ding nakatutok kayo sa aking FB Live sa mga nabanggit kong araw para makasali sa iba pang mga games at papremyo maliban sa raffle.


Kailangang mag-subscribe sa aking official You Tube Channel at i-click ang notification bell upang makasigurong updated kayo sa aking birthday giveaway. Buksan lamang ang https://bit.ly/AGIMATBIRTHDAYGIVEAWAY para sa Google form link.


Kaya sa napakaraming nagpapadala ng messages at walang sawang nangungulit na muli tayong magsagawa ng giveaway ay heto na ang inyong pagkakataon para manalo. Abangan!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page