top of page
Search

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 11, 2021



Nitong nagdaang mga araw bago nagsimula ang filing ng certificate of candidacy (COC) at certificate ng nomination and acceptance (CONA) para sa darating na halalan ngayong Mayo 2022 ay parang hilong talilong ang marami sa ating mga kababayan.


Napakalayo pa ng eleksiyon, ngunit damang-dama na ng marami ang init ng darating na pagpili ng mga kandidato at lahat ng ating mga kababayan ay nakatutok sa balita at tila nanonood ng teleserye na inaabangan kung ano ang mangyayari.


May mga natuwa, may mga nainis, nadismaya, nagulat at kung anu-ano pang-reaksiyon dahil sa mga pakulo ng mga nagsumite ng kandidatura dahil marami ang talagang kuwalipikado, ngunit hindi maiiwasan na may mga lumalahok din na kinapos naman ng kapalaran.


Medyo nakahinga na ang maraming aspirante dahil tapos na ang filing ng COC, ngunit hindi pa rito nagwawakas ang pag-aabang ng ating mga kababayan dahil ramdam ng marami na magkakaroon pa ng mga pagbabago hanggang sa susunod na buwan.


Itinakda kasi ng Commission on Elections (Comelec) ang Nobyembre 15 na pinakahuling araw na maaari pang magpalit ng kandidato ang partido na tila biglang nauso simula nang maging estratehiya ito ng ilang kandidato.


Ayon kay Comelec chairman Sheriff Abas na sa kabuuan ay naging matagumpay namang nairaos ang pagsusumite ng COC at CONA sa kabila ng napakaraming paglabag sa panig ng mga supporters na hindi alintana ang ipinatutupad ng health protocol na paulit-ulit ipinaalala ng pamahalaan.


Base sa COC daily record ng Comelec ay umabot sa 97 ang nagsumite ng COC para tumakbo sa pagkapangulo, nasa 29 naman ang nais makipagitgitan para maging ikalawang pangulo samantalang nasa 176 naman ang mga nais pumalaot sa kampanya para maging Senador at nasa 270 naman ang party-list at hindi pa umano ito pinal dahil idadaan pa sa deliberasyon.


Damang-dama na ang init ng darating na halalan na kung tutusin ay mahigit sa kalahating taon pa, ngunit kitang-kita na sa paligid ang mga nakabalandrang mga propaganda at maging sa mga pahayagan, radyo, telebisyon ay social media ay nagkalat na ang mga infomercial.


Ngayong tapos na ang filing ng COC ay inaasahang medyo mababawasan ang mga infomercial dahil maaari nang pumagitna ang Comelec dahil sa isinasagawang premature campaigning ng mga nais makauna sa sitwasyon.


Hindi lang pulitiko at mga supporters ang aligaga, dahil maging ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay nanawagan na sa mas maagang panahon na kung maaari ay gamitin ang internet at social media sa kabutihan ng 2022 elections.


Ayon kay Diocese of Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr., chairman ng CBCP -- Episcopal Commission on Social Communications, kailangan umano ng ibayong pag-iingat at maging matalino sa paggamit ng internet, social media at huwag basta-basta magpapaimpluwensiya.


Ang iba’t ibang grupo at samahan sa bansa tulad ng fraternity, kababaihan, magsasaka at iba pa ay kitang-kita na rin ang pagkilos dahil sa ito ang panahon upang kahit paano ay mabigyang pansin sila ng mga kandidato para sa kanilang mga karaingan.


Ang hanay ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ngayon pa lamang ay handang-handa na sa anumang magiging takbo ng papalapit na kampanya ay binalaan ng kani-kanilang pamunuan na huwag kikiling sa kahit kaninong kandidato.


Ganito kaapektado ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa paparating na halalan pero muli ay ipinaaalala nating mahigit pa sa kalahating taon bago ang mismong halalan kaya huwag tayong magpadala sa kung anu-anong pahayag ng magkakalabang pulitiko.


Ang panahong ito ay sapat para makapagnilay-nilay at makapag-isip ng tama ang lahat dahil ito lamang ang tamang pagkakataon para maipahayag ng bawat isa ang kanilang saloobin kung sino ang ating pipiliing mamumuno ng bansa.


Alalahanin nating mabuti na ang boto ng pinakamayamang tao sa balat ng lupa at ng pinakamahirap ay parehong iisa lamang kaya marapat lamang na pag-isipang mabuti dahil kapag tayo ay nagkamali ng pagpili ay panibagong anim na taon na naman ang ating ipaghihintay para sa pagbabago.


Kaya huwag tayong magambala sa pulitika tulad ng nangyayari ngayon sa marami nating kababayan dahil sa susunod na taon pa ang eleksiyon may Undas at Pasko pang darating na dapat nating paghandaan para sa ating mga mahal sa buhay.


Dapat ding isipin na pinalawig pa ng Comelec ang pagpaparehistro hanggang katapusan ng Oktubre dahil marami pa sa ating mga kababayan ang hindi pa nakapagpapatala dahil sa pandemya at masasayang, lalo na ang ating boto kung hindi ito maaasikaso.


Malaki pa ang hinaharap ng bansa hinggil sa pandemya, ang tuluy-tuloy na pagbabakuna, ang nalalapit na face-to-face classes, ang pagbubukas ng mga negosyo at marami pang iba na dapat bigyang prayoridad kumpara sa halalan.


Alalahanin nating 90 days lang ang kampanya sa nasyunal, 45 days sa lokal at isang araw lang ang eleksiyon at ang mga sandaling labas sa panahong ito ay dapat na asikasuhin ang trabaho at serbisyo publiko!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 08, 2021



Nagpalabas ng pahayag ang 13 grupo ng mga negosyante sa bansa na payagan silang maghigpit sa mga hindi pa natuturukan ng bakuna nilang mga empleyado at parokyano upang muli silang makapagbukas ng kani-kanilang mga negosyo ng ligtas.


Nais ng mga negosyante na bigyan sila ng karapatan sa kani-kanilang negosyo na maging ang mga nais na mag-apply ng trabaho sa kanilang tanggapan ay hindi basta-basta tatanggapin ang mga hindi pa nababakunahan ng hindi sila mairireklamo.


Ito ang joint statement ng Bankers Association of the Philippines, Cebu Business Club, Financial Executives Institute of the Philippines, Go-Negosyo, Investment Houses of the Philippines, Makati Business Club, Philippine Business for Education, Philippine Ecozones Association, Philippine Institute of Certified Public Accountants, Philippine Retailers Association, Subdivision and Housing Developers Association, US-ASEAN Business Council at WomenBizPH.


Hiling nila na hindi sila maakusahan ng diskriminasyon dahil sa kasalukuyan ay may mangilan-ngilan o marami ng establisimyento, partikular ang mga kainan ang hindi na basta-basta nagpapapasok ng customer kung hindi magpapakita ng vaccination card.


Ang panawagang ito ng mga negosyante ay isiniwalat sa gitna ng panahong kasalukuyan pang nagtuturok ng bakuna ang pamahalaan sa marami nating kababayan at marami pa ang hindi nabibigyan ng bakuna partikular sa mga malalayong lugar sa mga lalawigan.


Sa kasalukuyan ay dagsa na ang dumarating na bakuna sa bansa at marami pa ang mga paparating at binibigyang prayoridad na ang mga kababayan nating kailangang-kailangan na ng bakuna partikular ang mga nais magtrabaho na requirements ang bakuna.


Kaya sa isang banda ay tila may bigat din ang panawagan ng grupo ng mga negosyante na sa panahong ito ay napakadali na na magpaturok ng bakuna lalo na sa mga nais magtrabaho abroad o kahit sa sinong nais mag-apply sa iba’t ibang kumpanya sa bansa.


Naniniwala tayong lahat ng ating kababayan ay may karapatan sa kani-kanilang desisyon kung nais nilang magpabakuna o hindi ngunit sa isang banda ay may karapatan din ang mga negosyante na ipatupad ang tamang pag-iingat sa kanilang nasasakupan.


Ekonomiya, kalusugan, kaligtasan, pamahalaan at karapatan ng indibidwal ang nasa gitna ng usaping ito, lalo pa at nagsisimula na ang panahon ng pamumulitika para sa nalalapit na halalan kaya napakahirap din sa panig ng pamahalaan kung papanigan ba ang mga negosyante o ang malaking bilang ng mga botanteng ayaw magpabakuna.


Ayon sa grupo ng mga negosyante, marapat lamang umano na katigan ang kanilang kahilingan ng estado upang tuluy-tuloy na silang makapagbukas ng negosyo ng ligtas at hindi na pabalik-balik sa bukas-sarang operasyon.


Mabuti nga naman kung ang pribadong sektor na ang magpapatupad ng paghihigpit upang maingatan nila ang kanilang mga empleyado at mga parukyano na malaking tulong sa pamahalaan para maibsan ang pagkakahawa-hawa ng COVID-19 sa kanilang hanay.


Hindi lang sa hanay ng pribadong sektor ang sakop ng kanilang panawagan dahil nais din nilang maging ang mga empleyado ng pamahalaan ay dapat obligahing magpabakuna, na sa tingin ko naman ay mahigpit ng umiiral sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.


Pakiusap din ng mga negosyante na dapat ay repasuhin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang advisory nito tungkol sa bakuna at ng pamahalaan sa COVID19 Vaccine Procurement Act (Section 12-G).


Nakapaloob sa inilabas na advisory ng DOLE ang no discrimination or termination policy para sa mga manggagawang ayaw o hindi pa nababakunahan at binigyang diin pa na hindi dapat ipatupad ang no vaccine no work policy na labis namang ipinag-aalala ng mga negosyante.


Kung inyong mapapansin ay nag-uumpugan at mahabang debate ang panig ng mga negosyante at ng pamahalaan na pareho namang may layuning mapabuti ang bansa at ang kapakanan ng marami nating kababayan, partikular ang mga manggagawa.


Ngunit kung tatanggapin natin sandali ang pakiusap ng mga negosyante ay tila malaking tulong ito sa maraming aspeto kung kabuhayan ang pag-uusapan dahil sa magiging tuluy-tuloy ang hanapbubay kung ligtas ang bawat isa.


Hindi naman na nagkulang ang pamahalaan sa mabuting dulot ng bakuna at kung marami pa rin sa ating mga kababayan ang ayaw talaga ay desisyon na nilang huwag nang magtrabaho, huwag nang magtungo sa mga kainan, huwag nang makihalubilo sa mga tao at payag na payag sila sa ganitong sitwasyon.


Ngayon kung magbabago ang kanilang desisyon at nais na nilang magpabakuna ay bukas naman ang pamahalaan para ibigay ito ng libre anumang oras kaya hindi ito matatawag na diskriminasyon.


Ngunit kung sinsero talaga sa panawagang ito ang grupo ng mga negosyante ay makabubuting tiyakin nila na sila na ang sasagot sa bakuna ng kanilang mga empleyado ng walang bayad at maraming negosyante na ang hindi kasama sa panawagang ito ang nagkusa na.


Pero kung sistema lang ang gusto nilang baguhin tapos iaasa rin nila sa gobyerno ang lahat ay malabo pa sa sabaw ng pusit ang gusto nilang mangyari dahil nagsusumigaw ang katotohanang marami pa ang hindi nababakunahan!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 04, 2021



Naniniwala tayong hindi pa ito ang magiging huling balita hinggil sa namatay na kadete sa loob ng isang academy dahil tulad ng fraternity ay kalakaran na rin sa kanilang pagsasanay ang walang humpay na sakitan at pisikal na pagpapasakit sa mga nagsasanay.


Maliban na lamang kung magkakaroon ng seryoso at totoong pagbabago sa nakagisnan ng sistema nang pagsasanay para maging ganap na kawal sa anumang larangan na tila imposible nang mangyari dahil hindi naman nakikita ng publiko ang araw-araw nilang pamumuhay sa loob ng academy.


Paulit-ulit na ang pangyayaring ito, ngunit patuloy pa ring umiiral dahil ang mga naiiwang kadete na siyang magtuturo at magsasanay naman sa mga bagong pasok na kadete ay ‘yung mga nahubog din sa pananakit, pagsigaw at pagmamaltrato sa mas mababa ang ranggo.


Mga kadeteng binibigyang-papuri dahil nakayanan nila ang ilang taong pagsasanay bukod pa sa pag-susunog ng kilay ay nakaya nilang magpahinog ng bukol, pasa, pilay at iba pang karamdamang dulot nang pambubugbog kasabay ng pang-aabuso sa pananalita.


Hindi natin maintindihan kung bakit kailangang sa lahat ng pagkakataon ay palaging nakasinghal ang mga kadete at unti-unti ay nauubos na ang hinahon sa katawan, ngunit para sa kanila ay bahagi ito ng maayos at matinding pagsasanay.


Kaya heto na naman ang isang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) na hindi na umabot ng buhay sa pagamutan dahil sa pinagsusuntok ng upperclassman hanggang sa bumagsak na hindi natin tahasang masisi dahil ito ang kanyang natutunan sa ilang taon niyang pamamalagi sa academy.


Sa pinakahuling insidente ay ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Guillermo Eleazar sa pamunuan ng PNPA na repasuhin umano ang umiiral na patakaran at panuntunan gayundin ang kanilang academic policies at sikaping gumawa ng pagbabago kaalinsunod sa pagkamatay ng isang kadete.


Palagi namang ganito sa tuwing may mamamatay sa mga academy, mabilis na umaaksiyon ang pamunuan ng PNP upang maipakita na may ginawang pag-aksiyon, ngunit ang katapusan ng lahat ito ay tila wala ring nangyari dahil tiyak na ilang araw lang ay tuloy na naman ang barbaric system sa loob ng mga academy.


Pero sa pagkakataong ito ay iba ang tiwalang inaasahan ng ating mga kababayan kay Eleazar dahil sa seryoso nitong panunungkulan kaya sana mula sa pinakahuling insidenteng ito ay tuluyan nang mabago ang sistema sa loob ng mga academy at mabawasan na ang namamatay dahil sa karahasan.


Hindi lang sa PNPA ang umiiral ang ganitong sistema dahil maging ang Philippine Military Academy (PMA), Philippine Merchant Marine Academy (PMMA), marami pang ibang academy at maging ang ilang training camp sa bansa ay nangyayari ang kalupitan.


Kahit sa mga ordinaryong military training sa mga kolehiyo ay dumaranas na ng kakaibang kalupitan ang mga estudyante na nais maging opisyal ng dating Reserve Officers' Training Corps (ROTC) na ngayon ay National Service Training Program (NSTP) na.


Kasi nga ang nagpapasa ng kaalaman ay nagsanay sa mundo ng kalupitan na palaging nanlilisik kung makatingin, mataas ang boses na tila palaging galit at para maging mahinahon ang lahat ay kailangang magbigay ng kaukulang parusa bilang kabayaran sa pagkakamaling nagawa.


Hindi naman siguro mali na ituro ang ganitong sistema sa mga nais maging kawal, ngunit mas dapat sigurong paigitingin ang paghubog sa ating mga kadete kung paano maging mahinahon at kung kailan lang dapat gamitin ang maangil na pakikipag-usap.


Alam naman nating itinuturo rin ito sa academy, ang sa atin lang ay dapat pa sigurong paigtingin, dagdagan o pag-ibayuhin pa dahil kitang-kita na ito ang malaking kakulangan sa mga sundalo o pulis na nagtapos sa pagsasanay.


Tulad na lamang sa PMMA, lahat ng pagsasanay na dinaraanan ng mga pumapasok sa PNPA at PMA ay dinaranas din ng mga kadete sa PMMA na sa tingin ko ay hindi naman kailangan dahil lahat halos ng nagtatapos dito ay nagiging seaman.


Kung hindi Kapitan ay nagiging Chief Engineer ang graduate ng PMMA pero subukan ninyong pasukin ang kanilang academy at makikita ninyo na wala silang pinag-iba sa training ng PNPA at PMA kabilang na ang itinatanggi nilang hazing.


Tulad din sa PMA at PNPA ay may mga kadete na ring namatay sa PMMA dahil sa sobrang pananakit na ilang ulit na ring naiskandalo, naimbestigahan ngunit patuloy pa ring umiiral ang hindi mamatay-matay na sistema ng karahasan.


Ito rin ang nakikita nating dahilan kung bakit maraming sundalo o pulis na kung tratuhin ang kanilang mga hinuhuli ay daig pa ang hayop, partikular ang mga mahihirap na kulang sa kaalaman dahil ito ang kanilang natutunan.


Kapag sumobra sa pananakit ay police brutality ang tawag, ngunit kapag hindi na nagreklamo ang binatukan, sinapak o tinadyakan dahil sa takot ay ‘thank you’ ang tawag.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page