ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 22, 2024
Kaabang-abang ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) na isasagawa ngayong araw ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM). Inaasahan natin ang mga positibong pag-uulat hinggil sa mga naisakatuparang programa, gayundin ang pagtugon ng pamahalaan sa mga suliranin at hamong kinakaharap ng bansa.
Malaki ang tiwala ko na muling magbibigay ang Presidente ng komprehensibong ulat sa taumbayan ukol sa mga nagawa ng administrasyon sa nakalipas na taon bilang tugon sa mga isyu na nangangailangan ng agarang atensyon. Ilan diyan ang pagpapababa sa presyo ng mga bilihin, pagsasaayos ng sahod at trabaho, food security, pagsusulong ng katarungang panlipunan, at pagpapalakas ng ating pambansang seguridad.
Umaasa akong magiging kalakip din nito ang mga hakbangin na gagawin pa ng ating Pangulo para sa pagpapatuloy ng kanyang mga magagandang naabot sa loob ng unang dalawang taon ng kanyang panunungkulan.
Base sa ulat na inalabas ng Pulse Asia nitong buwan ng Hunyo, 2024, ang pagpapabagal ng inflation ay nananatiling pangunahing concern ng taumbayan. Ayon kasi sa survey, 72% ng nakatatandang Pinoy ay naniniwala na ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin ay nangangailangan ng agarang solusyon.
Kaya nga handa na tayo na mapakinggan ang SONA ng Pangulo upang mabatid natin kung ano ang sasabihin at plano niya ukol dito.
Kung titingnan ang mga datos na hawak ng ating economic managers, pasok pa naman ang kasalukuyang target inflation rate na 2-4%. Ang inflation rate kasi nitong Hunyo 2024 ay nasa 3.7%, kumpara noong Hunyo 2023 na ang headline inflation rate ay nasa 5.4%. Ipinapakita nito na may ginagawa ang administrasyon.
Kumpiyansa rin ako na tatalakayin ni PBBM ang kasalukuyang kalagayan at kung saan tayo patungo sa usapin ng food security.
Sa loob ng nagdaang taon, nakita natin ang mga pagsisikap ng administrasyon para mapayabong ang agrikultura katulad ng pagtatalaga ng bagong kalihim sa Department of Agriculture na tututok sa sektor, pagpasa ng batas na muling bubuhay at magpapalakas sa industriya ng pag-aasin, pag-aabot ng tulong pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda, at marami pang iba.
Pakikinggan natin kung ano pa ang gagawin at mga ipagpapatuloy para masiguro na may sapat na pagkain sa hapag ng bawat Pilipino.
Nais din nating pasalamatan ang Pangulo dahil sa pag-apruba niya sa mga ipinasa nating batas nitong nakalipas na taon na malaking tulong sa ating mga kababayan — tulad ng pagbibigay ng P10,000 cash sa mga senior citizens na aabot sa edad na 80, 85, 90, at 95, bukod pa sa buong P100,000 kung aabot naman sa 100 years old.
Inaprubahan ng Pangulo ang isa pa nating iniakda na Kabalikat sa Pagtuturo Act (RA 11997) na naglalayong bigyan ang mga pampublikong guro ng teaching allowance at taasan mula P5,000 patungong P10,000.
Inaprubahan din ng Chief Executive ang isa pa nating batas na No Permit, No Exam Prohibition Act (RA 11984) na nagbabawal sa mga unibersidad na ipatupad ang “no permit, no exam” policy dahil hayagang panggigipit ito sa ating mga kababayan.
Kasunod nito ay iniakda natin ang Free College Entrance Examinations Act (RA 12006) na aprubado na rin kamakailan ng Pangulo kung saan inaatasan ang lahat ng unibersidad na huwag nang singilin ang mga mag-aaral na nais kumuha ng entrance examination maging pribado man o pampublikong kolehiyo basta’t masunod lamang ang umiiral na requirements.
Muli akong nagpapasalamat kay Pangulong Marcos sa pag-apruba ng mga panukala ko para isulong at palawakin pa ang katarungang panlipunan. Sana rin ay mabanggit sa SONA ang pagsasaayos ng sahod ng mga manggagawa.
Sa huli, ito ang isa sa mga pinakainaasahan ko ay ang pagtalakay ng Pangulo sa pagpapaigting ng ating pambansang seguridad. I am confident that he will share to the Filipino people what his administration is doing to bolster national security. Eager na akong pakinggan ang sasabihin ng Pangulo ngayong Lunes, at ang mga susunod na hakbang natin tungo sa Bagong Pilipinas.
Samantala, wala tayong dapat ipag-alala dahil sa tiniyak ng Presidential Security Command ang seguridad ni PBBM sa ikatlong SONA nito sa plenaryo ng Kamara de Representantes sa Batasang Pambansa Complex ngayong araw na ito.
Nabatid na nasa 1,400 na mga PSG personnel ang ipapakalat para sa SONA ni Pangulong Marcos.
Bukod pa ito sa 22,000 pulis at 2,700 force multiplier na magbabantay sa SONA.
Sa kabuuan ay inaasahang magiging matagumpay ang SONA liban sa regular na protesta na karaniwang ginagawa laban sa kahit na sinumang Pangulo na nagsasagawa ng SONA sa bansa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com