ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 07, 2021
Noong pilot episode ng Agimat ng Agila nitong nakaraang Sabado ay halos mamaos tayo sa kakapasalamat dahil sa dami ng mga tumatawag sa akin at tuwang-tuwa umanong nakatutok sa kani-kanilang telebisyon.
Pero kung dati ay palakpak at papuri lang ang ating natatanggap, ngayon ay opisyal nang ulat na inilabas mismo ng Nielsen Phils.TAM NUTAM People Ratings at kumpirmado nang napakarami nang nanood dahil umabot ang ratings nito sa 16.3. Nangangahulugan umano ito na mahigit sa 14 milyong telebisyon sa mga tahanan ay tumutok sa ating palabas.
Kaya kahit punuin pa ng napakaraming pasasalamat ang artikulong ito ay hindi sasapat para sa galak na ating nararamdaman sampu ng aking pamilya na tuwang-tuwa rin dahil sa mainit na pagtanggap ng ating mga kababayan sa pagbabalik ko sa telebisyon.
Siyempre, ipinagpapasalamat din natin ang hindi pagdadalawang-isip ni Direk Rico Gutierrez na maging bahagi ng Agimat ng Agila nang alukin ito ng GMA Network at kitang-kita sa kanya ang excitement na pagandahin talaga ang animo’y pelikulang teleseryeng ito.
Inaasahan nating mas aabangan na ito ng ating mga tagapanood dahil nais na nilang makita ang ginampanan nating papel bilang forest ranger na si Major Gabriel Labrador na nakalmot ng makapangyarihang agila at kung paano nito sisimulan ang pagsagupa sa mga evil forces na nais maghari sa kagubatan.
Isa itong action-packed fantasy na kahit ang kababaihan at mga bata ay labis na matutuwa dahil sa binusising visual effects na masyadong makabago at masasaksihan ninyo ang mga kakaibang fight scenes na sadyang binuo para lamang sa Agimat ng Agila.
Bilang hepe ng Task Force Kalikasan ay mapalad na napili si Major Labrador na maging tagapag-ingat ng Agimat ng Agila kaya hindi rin nasayang ang napakatagal nating preparasyon para mabuo ang teleseryeng ito.
Isipin n’yo para tayong nanganganay muli, dahil sa kinailangan nating sumailalim sa matinding pagsasanay sa boxing, muay thai at iba klase ng mixed martial arts; binalikan din natin ang pagsasanay sa paghawak ng baril at iba pang armas dahil nga kailangang-kailangan bilang tagapagtanggol ng kalikasan.
Dapat pelikula talaga ang Agimat ng Agila kaso nagkasundo kami ng GMA Network na gawin itong TV series at kitang-kita ang pagsisikap ng buong production team kaya lumabas itong maganda at mabuti na lamang at nabigyan ito ng hustisya ng direktor at ng scriptwriter.
Napakalaking inspirasyon din sa TV series na ito ang ating namapayapang ama na si dating Senador Ramon Revilla, Sr. na sobrang miss na miss ko na rin, pero dahil sa Agimat ng Agila ay parang bigla nating minana ang kanyang agimat.
Alam naman nating lahat na mula noong tayo’y bata pa ay palagi niya tayong isinasama sa napakarami niyang pelikula hanggang s magbinata at tuluyan nang pumalaot sa pelikula na ako na mismo ang bida.
Hinasa ako sa pagharap sa kamera ng aking ama at minana ko sa kanya ang husay sa pagganap at maging ang pagpo-produce ng pelikula ay aking natutunan kaya rito na rin ako nakaipon ng sarili kong puhunan hanggang sa mapunta na sa pulitika.
Buong buhay ay pelikula ang humubog sa atin kaya nang mahinto sa pagharap sa kamera ay ramdam na ramdam natin ang pagkalungkot at hinahanap-hanap talaga ang nakalakihang industriya.
Nananalaytay talaga sa dugo ang pagiging aktor at higit sa lahat ay na-miss ko ‘yung camaraderie at ‘yung collective creativity with my co-workers — mula co-actors hanggang writers, directors, crew, at buong staff, lahat na-miss at masuwerte tayong muli itong naranasan.
Kumumpleto sa powerhouse cast ng Agimat ng Agila ay sina Sanya Lopez ang aking leading lady bilang si Maya Lagman, isang mapagmahal na adopted daughter ni Nanay Berta na ginampanan naman ni Elizabeth Oropesa.
Si Nanay Berta ang misteryosong nakatatanda ang aalalay kay Major Labrador sa kanyang pakikipabaka bilang tagapagligtas; si Roi Vinzon naman ay si Alejandro Dominguez, isang respetado at kinatatakutang negosyante at crime lord.
Si Benjie Paras naman ay Sgt. Wesley Dimanahan, pinagkakatiwalaan at kanang-kamay ni Major Labrador; Allen Dizon bilang Capt. Gerry Flores, second-in-command ng Task Force Kalikasan; Michelle Dee bilang Serpenta, evil shadow creature na palaging bumubuyo kay Alejandro.
EA Guzman sa papel na Julian at kababata ni Maya; Miggs Cuaderno bilang Bidoy, ismarteng bata na napalapit kay Major Labrador; Ian Ignacio bilang Malvar at deputy henchman ni Alejandro.
May special participation din si Sheryl Cruz bilang Dr. Myrna Labrador, mayumi at mabuting maybahay ni Major Labrador at siyempre, hindi naman mawawala ang ibang nagsiganap tulad nina King Gutierrez, Jhong Cuenca, Mike Lloren, Althea Ablan, Dentrix Ponce, Yuan Francisco, at Seth Dela Cruz.
Sa casting palang panalo na kaya muli ay inaanyayahan namin kayo bukas ng alas-7:15 ng gabi, Sabado sa GMA para masagot na ang mga tanong ninyo kung paano bibigyan ng proteksiyon ni Major Labrador ang likas na yaman ng ating kalikasan laban sa masasamang espirito.
Marami ang nagtatanong kung totoo ba ang agimat ng aking ama at kung ipinamana ba ito sa akin, malalaman n’yo rin ‘yan sa takdang panahon at sa ngayon ay tutukan n’yo muna ang Agimat ng Agila!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com