ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 14, 2021
Wala nang pagsidlan ang kasiyahang nadarama ng buong cast ng Agimat ng Agila, partikular ang inyong lingkod na hanggang ngayon ay hindi mapawi ang aking mga ngiti dahil mas hinigitan pa nito ang napakataas na rating sa pilot episode.
Matatandaang ayon mismo sa opisyal na ulat na inilabas ng Nielsen Phils.TAM NUTAM People Ratings ay umabot ang ratings ng pilot episode ng Agimat ng Agila sa 16.3 na ang ibig sabihin ay mahigit sa 14 milyong telebisyon sa mga tahanan ang tumututok sa ating palabas.
Noong Sabado ay tumaas pa ang ratings sa 16.7, isang indikasyon na mas nadagdagan pa ang mga sumusubaybay at sa huling segmet ng Agimat ng Agila ay pumalo pa ang ratings nito sa 18.5.
Kaya kabi-kabila na naman ang natatanggap nating reaksiyon, lalo pa ngayong napakaaktibo na ng maraming tao sa social media kumpara noon at sa kaunting kibot ay agad-agad na mababasa ang mga komento, maganda man o pangit.
Tulad na lamang noong Sabado na bago magwakas ang ikalawang episode ng Agimat ng Agila ay may eksenang pinasok ng mga masasamang loob ang tahanan ni Major Gabriel Labrador na aking ginagampanan bilang forest ranger.
Walang habas na pinaulanan ng bala ang pamilya ni Major Labrador at lahat sila ay nagtamo ng mga tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago pa ipinakita ang katagang ABANGAN!
Dahil dito ay muling inulan ng mga messages ang aking cellphone at pilit inaalam kung ano ang kinahinatnan ng buong pamilya Labrador na pawang duguan at napakatagal pa umano ng susunod na Sabado para makumpirma ang susunod na pangyayari.
Nagsimula na kasi ang pakikipagsagupa ni Major Labrador sa mga masasamang loob na nais maghari sa kabundukan at kagubatan na hangad pagkakitaan ang inang kalikasan at ubusin ang mga pinakaiingatan at halos paubos ng mga hayop sa kapaligiran.
Sa gitna nang pakikipaglaban ni Major Labrador ay nakaagaw atensiyon sa mga manonood ang pagtayo ng balahibo, panlilisik ng mga mata at tila nagwawala sa galit ang Agilang nakuha ni Major Labrador na sugatan sa lansangan at kanyang iniuwi para gamutin sa kanyang tahanan.
Malaking palaisipan din sa mga manonood ang pag-ilaw ng braso ni Major Labrador na naging pilat dahil sa kalmot ng naturang Agila sa tuwing ito ay makikipagbakbakan sa mga kalaban.
Nakadagdag din sa kalituhan ng mga manonood nang mismong si Major Labrador na ang magtanong sa kanyang sidekick na si Sgt. Wesley Dimanahan na ginagampanan naman ni Benjie Paras kung nakita ba nitong umilaw ang kanyang kalmot sa braso habang nakikipagsuntukan.
Sinabi na Sgt. Dimanahan na isa lamang umanong guni-guni ang nararamdaman ni Major Labrador dahil imposible umanong umilaw ang pilat na nagmula lamang sa kalmot ng iniligtas nitong Agila.
Nakadagdag din sa pinananabikan ng mga tagagsubaybay ang ginawang pagpapakawala ni Major Labrador sa sinagip niyang Agila na ginamot ng kanyang maybahay na si Dr. Myrna Labrador na ginampanan naman ni Sheryl Cruz.
Matapos lumipad at maglakbay ng napakalayo ang pinakawalang Agila ay ipinakitang nakauwi na ito sa pag-iingat ni Nanay Berta na ginampanan naman ni Elizabeth Oropesa, isang misteryosong nakatatanda na kinakausap ang nagbalik na Agila.
Napakarami na agad ng mga pangyayari sa loob pa lamang ng dalawang magkasunod na episode at mas lalo pa ninyong magugustuhan sa mga darating na Sabado dahil mas marami pang mga mangyayari at napakabilis ng mga eksena.
Pinatunayan talaga ni Direk Rico Gutierrez ang kaniyang husay sa paggawa ng napakagandang obrang ito at maging ang GMA Network ay buong pagmamalaking inihahandog ang animo’y pelikulang teleseryeng ito.
Ang action-packed fantasy na ito ay patok sa buong pamilya, dahil may kilig moment para sa mga babaeng manonood, bukod sa pantasya ay may komedya para sa mga bata at umaatikabong aksiyon para sa kalalakihan.
Hindi nasayang ang aking muling pagsasanay sa boxing, muay thai at iba pang klase ng mixed martial arts; pati ang muli tayong pagsasanay sa paghawak ng baril at iba pang armas dahil talagang nagamit ko sa mga eksena sa Agimat ng Agila.
Si Sanya Lopez ang aking leading lady bilang si Maya Lagman, isang mapagmahal na adopted daughter ni Nanay Berta; si Roi Vinzon naman ay si Alejandro Dominguez, isang respetado at kinatatakutang negosyante at crime lord na nagsisimula nang maghasik ng lagim.
Nandito rin sina Allen Dizon bilang Capt. Gerry Flores, second-in-command ng Task Force Kalikasan; Michelle Dee bilang Serpenta, isang evil shadow creature na lalo pang magpapaganda sa Agimat ng Agila.
EA Guzman sa papel na Julian at kababata ni Maya; Miggs Cuaderno bilang Bidoy, isang ismarteng bata na napalapit kay Major Labrador; Ian Ignacio bilang Malvar at kasama din sina King Gutierrez, Jhong Cuenca, Mike Lloren, Althea Ablan, Dentrix Ponce, Yuan Francisco, at Seth Dela Cruz.
Kaya sa mga masyadong excited kung ano ang susunod na mangyayari ay mas mabuting magkita-kita uli tayo bukas ng alas-7:15 ng gabi, Sabado sa GMA para magkaalam-alam na.
Kung ‘yung maybahay nga nating si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla ay panay din ang tanong kung ano ang susunod na mangyayari, pero hindi talaga natin idinidetalye para sabay-sabay tayong masabik at mag-abang sa Agimat ng Agila!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com