ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 24, 2021
Hindi dapat ginagawang problema ng pamahalaan ang kung anu-anong problemang nagsusulputan sa isinasagawa nating vaccination rollout dahil malaking balakid lamang ito sa puntirya nating herd immunity sa ating bansa.
Kahit ang resulta ng pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) ay lumalabas na 51% lamang ng mga Pinoy ang may kumpiyansa sa isinagawang pagsusuri ng pamahalaan hinggil sa coronavirus vaccines ay hindi ito problema.
Ang survey ay isinagawa mula Abril 28 hanggang Mayo 2 ng taong kasalukuyan at lumalabas na 51% lamang ng 1,200 respondents ang may kumpiyansa sa proseso ng vaccine screening sa bansa.
Nasa 31% umano ang hindi sigurado habang nasa 17% naman ang talagang walang katiwa-tiwala sa pagsisikap na ito ng ating pamahalaan upang masugpo ang pagkalat pa ng naturang virus sa pamamagitan ng bakuna.
Ang kumpiyansa sa pagsusuri ng COVID-19 vaccine ay pinangunahan ng Mindanao na may 58%, sinundan ito ng Visayas na may 55%, Metro Manila na may 49% at ang Luzon na may 47%.
Sa mga kababayan naman nating nagpahayag ng buong tiwala sa assessment ng pamahalaan hinggil sa isinasagawang pagbabakuna ay umabot sa 58% ang nagpahayag na nais nilang mabakunahan sa lalong madaling panahon.
Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na pahayag ng Department of Health (DOH) na ang mga bakunang nagdatingan na sa ating bansa ay ligtas at epektibo, tanging ang mga bakunang binigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) ang papayagang iturok sa ating mga kababayan.
Bago mabigyan ng EUA ay dumaraan muna ito sa proseso ng matinding pagsusuri kabilang na ang Department of Science and Technology, FDA at ilan pang grupo ng mga eksperto sa bakuna sa ating bansa.
Ang bakuna na binuo ng Pfizer-BioNTech, AstraZeneca, Moderna, Sinovac Biotech, Gamaleya Research Institute, Johnson & Johnson at Bharat Biotech ay pare-parehong pinayagan gamit ang emergency use sa ating bansa.
Tinanong din ng SWS ang mga respondents kung payag ba silang turukan ng COVID-19 vaccine na aprubado ng FDA at 32% lamang ang pumayag, 35% naman ang hindi pa tiyak at nasa 33% naman ang ayaw talagang magpabakuna.
Personal na proteksiyon upang makaiwas na mahawa sa COVID-19 ang pangunahing dahilan ng mga nais magpabakuna samantalang sa mga hindi pa tiyak kung magpapabakuna at sa mga ayaw talagang magpabakuna ay pare-parehong nagpahayag ng takot sa side effects.
Dahil dito ay marami sa ating mga kababayan ang namimili ng klase ng brand ng bakuna at kahit saan may nagtuturok ng Pfizer ay dinaragsa ito ng marami sa ating mga kababayan na pinangangambahang maging sanhi pa nang pagkakahawa-hawa imbes na makabuti.
Kaya ipinag-utos na ng Palasyo na ang pagtuturok ng COVID na gawa ng Pfizer-BioNTech sa ating bansa ay dapat mapunta sa hanay ng mga kababayang nating mahihirap na hindi na alintana kung ano ang brand basta’t mabakunahan lamang.
Siyempre, sa tuwing may mga ganitong anunsiyo ay palaging dalawa ang panig na naglalabasan, una ay ang pabor sa magandang adhikain ng pamahalaan at ikalawa ay ang mga regular na kumukontra para pahirapin ang sitwasyon.
Napakaganda ng estratehiyang ito ng pamahalaan dahil kung hindi masasawata ang pagnanasa ng mga ilan sa ating mga kababayan na maturukan ng Pfizer ay hindi na solusyon ang dala ng bakunang ito kung hindi problema dahil ito pa ang dahilan nang pagpapatumpik-tumpik ng marami.
Aminin man natin o hindi ay umiiral sa ating mga kababayan ang ‘pasosyal na mentalidad’ at kasunod din ng malaking tiwala na gawa ito ng Estados Unidos at ngayon pa lamang ay may nababasa na tayo komento ng ilang iresponsable sa social media na “Yuck, ang cheap ng bakuna mo, buti ako Pfizer”.
Kaya kung sa mga pinakamamahirap nating kababayan ituturok ang Pfizer ay marami na ang magdadalawang-isip sa bakunang ito dahil kapag tinurukan ng Pfizer ay tiyak na galing ito sa hanay ng mga kababayan nating tinutulungan ng pamahalaan na hindi naman masama pero ayaw ito ng mga pasosyal.
Malaking bagay din kung wala kahit isang opisyal ng pamahalaan ang magpapaturok ng Pfizer upang tumaas pa ang kumpiyansa ng ating mga kababayan sa iba pang brand ng bakuna upang maibsan ang mga nagdadalawang-isip na magpabakuna sa ibang brand.
Kung maaari lamang na huwag na tayong mag-angkat ng Pfizer dahil sa nakaaantala ito sa operasyon nang pagbabakuna lalo pa at nasa 2.2 milyong doses ng Pfizer mula sa COVAX ang inaasahan nating darating sa bansa ngayong buwang ito.
Kaso nga hindi naman maaari dahil sa may hinahabol tayong deadline at nitong Mayo 18 ay nasa 786,528 Pinoy pa lamang ang fully vaccinated, na napakalayo pa sa target ng pamahalaan na mabakunahan ang may 58 milyong Pinoy para maabot ang herd immunity.
Nasa 2.5 milyon pa lamang ang natuturukan ng first dose dahil nga sa naantalang pagdating ng bakuna, ayaw magpabakuna, namimili ng brand ng bakuna at iba pang problema.
Tapos ay paulit-ulit pa ang pahayag ng marami na hindi sapilitan ang pagbabakuna lalo pa at malapit na ang eleksiyon at alam ng ilang pulitiko na naghahanap ng kakampi ang mga ayaw magpabakuna kaya dagdag problema rin ito pero hindi dapat problemahin.
Marami ang nagsasabing dapat dagdagan at itaas pa ang kamalayan ng marami upang makumbinsing magpabakuna pero santamabak din ang nagsasabing hindi sapilitan ang pagbabakuna kaya nahahati ang direksiyon ng mga opinyon.
Sa mga ganitong sitwasyon ay makabubuting huwag nating gawing problema ang hindi dapat problemahin, basta sa mga nais makaligtas sa pandemyang ito ay magpabakuna tayo kahit anong brand at sa mga ayaw magpaturok ay iwasan n’yo nang lumabas ng bahay para hindi kayo mahawa sa COVID-19 dahil tiyak na problema ‘yan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com