ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 23, 2021
Nakababahala ang lumalaking balita hinggil sa hindi mapigilang pagpasok ng Delta variant sa ating bansa at maging ang mga galaw ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ay ramdam ang mga biglaang pagbabago.
Kabilang na ang mariing pagtutol ng pamahalaan na payagan ang face-to-face classes at maging ang maliliit na pagtitipon sa mga bahay-bahay kabilang ang mga inuman ay pinababantayan na sa mga opisyal ng barangay dahil mahigpit na itong ipinagbabawal.
Nagpahayag na rin ang Palasyo na anumang oras ay hindi sila magdadalawang-isip na muling magdeklara ng enhanced community quarantine (ECQ) sa mga lugar na kakailanganin ng paghihigpit sakaling hindi na talaga mapigilan ang pagpasok ng Delta variant.
Inihahanda na rin ng Department of Health (DOH) ang mga pagamutan sa bansa kabilang na ang supply ng mga gamot, supply ng oxygen at iba pang pangunahing kakailanganin sakaling magkaroon nang pagsirit ng kaso ng mas nakahahawang COVID-19.
Base sa karanasan ng maraming bansa na nagkaroon ng daluyong ng Delta variant ay dumoble ang kanilang pangangailangan sa oxygen na dahil sa kakapusan ay naging dahilan ito ng kamatayan ng maraming nahawa sa virus.
Hindi rin natin dapat balewalain ang ulat ng OCTA Research Group na ayon sa kanilang pagsubaybay sa sitwasyon ay nakararanas na naman umano ang Metro Manila ng pagtaas ng kaso sa kasalukuyan.
Noong araw ng Linggo ay mahigit umano sa 900 na bagong kaso ang naiulat sa buong Kamaynilaan na naitalang pinakamataas na bilang ng bagong kaso sa loob ng mahigit sa isang buwan.
Pumalo naman sa 1.06 ang reproduction number sa rehiyon na naitalang pinakamataas mula noong Abril at huwag naman sanang mangyari, ngunit inaasahang tataas pa ito sa mga darating na araw.
Bukod sa Makati at Maynila na kinakikitaan ng pagtaas ng kaso ay mataas din ang one week growth rate ng Valenzuela, Pasay, Marikina at Parañaque, samantalang nasa 100 porsiyento naman ang utilization rate ng intensive care unit sa Taguig.
Ayon sa DOH ay posibleng may local transmission na ang Delta variant, ngunit hindi pa lamang umano makumpirma hanggang sa kasalukuyan na labis na nagpapabigat sa sitwasyon.
Matapos kasing i-test muli ang ilan sa napaulat na kaso ng Delta variant ng COVID-19 noong Linggo ay lumabas na walo sa mga ito ang positibo pa rin kaya itinuturing sila ng DOH na nasa active cases pa rin.
Apat sa kanila ang nagmula sa Cagayan De Oro, isa sa Maynila, isa sa Misamis Oriental at dalawa ang balikbayang overseas Filipino workers (OFWs) na bagama’t nakarekober na umano ay iba ang pinaiiral na protocol kapag variant of concern ang tumama.
Lumalabas na sa tatlong namatay sa Delta variant ay dalawa sa mga ito ang hindi naturukan ng bakuna at kasalukuyan pang iniimbestigahan kung naturukan ng COVID-19 vaccine ang isa pa.
Sa kasalukuyan ay may kabuuang 91 close contacts na ang isinumite ng DOH ng mga lokal na pamahalaan na may kaso ng Delta variant at patuloy ang pagsisikap na isinasagawa ng mga contact tracer hinggil dito.
Kaya malakas ang panawagan ng Metro Manila mayors na palawigin pa ang kontrata ng mga contact tracers na karamihan ay magtatapos na sa Agosto 3 dahil isa sila sa mga inaasahan para mabilis na matukoy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19, partikular ang Delta variant.
Hindi lang masyadong napagtutunan ng pansin, ngunit malaki ang naitutulong ng 5,775 contact tracers para matukoy ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila upang mabigyan ng kaukulang pagtugon at mabilis na mapababa ang kaso.
Lalo na ngayong may Delta variant na sobrang lakas makahawa, bukod sa medical frontliner ay malaki ang ginagampanang papel ng mga contact tracers na daig pa ang mga sundalong sumusugod talaga sa labanan para lamang habulin ang mga nahawa.
Maging ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagpahayag na limitado lamang umano ang pondo ng kanilang tanggapan, ngunit sisikapin umano nilang maglaan ng P200-milyon para sa karagdagang dalawang buwan na pagpapalawig sa kontrata ng contact tracers.
Ubos na rin ang pondong nakuha sa Bayanihan 2 kaya hanggang ngayong Agosto 15 na lang din ang contact tracers ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pumapalo sa 15,000 nationwide at 2,381 sa mga ito ang naka-deploy din sa Metro Manila.
Maging ang sariling pondo ng DILG paubos na rin kaya humihingi na sila ng P1.7 bilyon sa Office of the President para palawigin ang kontrata ng contact tracer hanggang Disyembre 2021.
Plano rin ng naturang kagawaran na panatilihin ang kasalukuyang bilang ng contact tracers hanggang 2022 kaya magiging bahagi ito ng hinihingin nilang budget para sa susunod na taon.
Ganito kahalaga ang contact tracer sa kasalukuyang pandemya kaya marapat lamang na ibigay natin ang ating suporta dahil inilalaan nila ang kanilang buhay para sa kaligtasan ng iba!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com