ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 02, 2021
Dumating na ang pingangambahan ng mga eksperto na isang araw ay wala na tayong magagawa kundi ang ipatupad ang pinakamahigpit na puwedeng ipatupad para lamang mailigtas ang marami nating kababayan na mahawa sa Delta COVID-19 variant.
Bagama’t hindi pa tahasang ipinatutupad ay nagbigay na ng babala si Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa nang paghihigpit na kahit labag sa kanyang kalooban ay wala na itong magawa kundi ang magbaba ng kautusan dahil sa matinding banta ng mas nakahahawang virus na nakapasok na sa ating bansa.
Matatandaang inatasan ng Pangulo ang mga opisyal ng barangay na tiyakin ang kalagayan ng bawat indibidwal sa kani-kanilang nasasakupan at siguruhing mapigilang lumabas ng bahay ang mga hindi pa natuturukan ng bakuna laban sa COVID-19.
Literal na pinababantayan ng Pangulo sa pinakahuli niyang public address na napanood sa telebisyon ang sinumang hindi pa nababakunahan na mahuhuling nasa labas ng bahay para muling ibalik kung saan ito nakatira dahil tinagurian na silang walking spreader.
Dahil wala namang umiiral na batas para obligahing magpaturok ng bakuna ang indibidwal ay walang magawa ang pamahalaan kundi ang lakasan na lamang ang loob para ipatupad ang paghihigpit na lantad sa batikos.
Sabi nga ng Pangulo, walang magiging katapusan ang problemang ito kung pagbibigyan lahat ang gusto ng publiko, partikular ang mga ayaw magpabakuna dahil bayan umano ang pinag-uusapan dito at kung ayaw makatulong sa pamamagitan nang pagpapabakuna ay huwag nang lumabas ng bahay.
Alam naman nating napakabigat ng desisyong ito ng Pangulo at inaasahan nating tatawagin itong diskriminasyon ng mga regular na tagapuna ng Pangulo, ngunit kung sisipatin natin sa isang banda ay wala naman siyang ibang pakay kundi ang kaligtasan ng lahat.
Nauna rito ay iginigiit ng OCTA Research Team na magkaroon ng anticipatory, preventive at circuit breaker lockdown upang hindi na lumala pa ang sitwasyon na tulad nang ipinatutupad sa kasalukuyan sa mga bansang Australia at New Zealand.
Agad namang umaksiyon ang pamahalaan hinggil dito dahil hindi lang umano nito mapapababa ang kaso kung hindi maisasalba pa ang ekonomiya dahil posible umano tayong matulad sa Indonesia, India at Thailand na huli na ang lahat bago pa kumilos.
Nauna rito ay nanawagan si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na hindi umano dapat magsagawa ng lockdown dahil makaaapekto ito sa ekonomiya at sa halip ay ang taong walang bakuna lamang ang i-lockdown.
May mga lugar na umanong nagpapatupad nito dahil kamakailan lamang ay inanunsiyo ng lokal na pamahalaan sa Lapu-Lapu City sa Cebu na hindi maaaring pumasok sa mall at supermarket mula Agosto 25 ang hindi bakunadong residente.
May grupo rin ng mga negosyante na isinusulong na ang paghihiwalay ng mga taong naturukan na ng bakuna at hindi, maging sa mga opisina, restoran at iba pang establisimyento upang wakasan na umano ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
May ilan ding nagsusulong na panahon na umano para magkaroon ng mga buses para sa mga kababayan nating naturukan na ng bakuna dahil makapagbibigay umano ito ng kumpiyansa sa mga mananakay, partikular sa mga pumapasok sa trabaho.
Aminado naman ang Department Of Health (DOH) na tumaas ng 47 porsiyento ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila kumpara ng mga nakaraang linggo kaya nga sang-ayon sila sa hiling ng OCTA na magpatupad ng ‘circuit breaker’ lockdown.
Unti-unti umanong nararamdaman ang pagtaas ng kaso ng Delta variant sa maraming lugar sa bansa at apat na ang kumpirmadong nasawi hinggil dito bukod pa sa orihinal na COVID-19 na naglalaro pa rin sa halos 5,000 ang naitatalang kaso araw-araw.
Ibig sabihin, hindi lang ang Pangulo ang nakakaisip na higpitan na ang mga ayaw magpabakuna dahil marami na rin ang punding-pundi na sa mga kababayan nating ayaw magpaturok ng bakuna na sa kabilang banda ay nirerespeto rin natin ang kanilang pasya.
Ngunit dahil sa kautusang ito ng Pangulo ay nakatanggap tayo ng ulat na lumakas ang bentahan ng mga pekeng vaccination card online sa halagang P200 hanggang P300 na ginagamit sa mga sumisita na wala namang kakayahan upang makumpirma na peke ang naturang card.
Maging ang mga sindikato ng pekeng dokumento sa Recto na bahagyang tumamlay ang negosyo dahil sa pandemya ay biglang nabuhayan dahil sa pagdagsa ng mga ayaw magpabakuna na nais magkaroon ng vaccination card.
Sa ngayon na wala pang opisyal at standard vaccination card na ipinamamahagi ang pamahalaan na hindi kayang mapeke kaya makatutulong kung magbibigay ng kopya ang lokal na pamahalaan sa mga pasukan ng establisimyento sa kani-kanilang nasasakupan ng talaan ng mga naturukan na ng bakuna.
Sa ganitong paraan ay magkakaroon ng basehan ang mga bantay ng mga establisimyento para tiyaking peke o hindi ang ipinapakitang vaccination card ng nais pumasok sa mga pamilihan, restoran at iba pang mataong lugar.
Kaya tinatawagan natin ang Philippine National Police (PNP) na sana ay trabahuin ang mga gumagawa mismo ng mga pekeng vaccination card, nagbebenta at gumagamit nito dahil bukod sa isa itong serious offense ay lubhang napakadelikado na makalusot sa mga sumisita ang mga hindi nabakunahan.
Ayaw magpabakuna pero gustong lumabas ng bahay gamit ang pekeng vaccination card lalo pa at panahon na naman ng enhanced community quarantine (ECQ) dapat may masampulan dahil tiyak na sila ang magkakalat ng mas nakakahawang Delta COVID-19 variant.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com